Balagtasan Kasama si Babyluv

SA AKING PAGBABALIK

Hindi namalayan ilang panahong nagdaan,
Nawala sa tahanan nawalay sa samahan.

Alaala ng nakaraan akin muling babalikan,
Wala man gaanong alam 'di ko pa din naman nalilimutan.

Dito natagpuan mga kaibigan ilan sa kanila'y naging huwaran,
Tropang kuneho na dati ng kasamahan dito pa rin kaya sila matatagpuan?

Maraming kuya dito ang nakilala may tatay na laging nagpapaalala,
Kikong makata na di makakaila, nagturo kung paano gumawa ng akda.

Masayang samahan saksi ng pagmamahalan,
Ang balagtasan ang daan ng nararamdaman.

Sa aking pagbabalik sa ating tahanan,
Mga kaibigan, ako'y may ibang pangalan.

Makatang kiko na aking kaibigan,
Siguradong iba man ang aking pangalan.

Hindi niya makakalimutan,
Ang taong kanyang naturuan.

Makremang baka na pinatikman,
Kailan kaya muling malalasahan.

Hanggang ngayon iniingatang lalagyan,
Baka sakaling muling malamnan.

Dito sa barangay ako'y muling nagbabalik,
Paggawa ng tula ang kaya lang ihasik.

Sa inyong lahat isang matamis na halik,
Kasabay ng pagtawa na humahagikgik!

Kiko:
Sa iyong pagbabalik,
Huwag ka sanang manahimik.

Isulat mo ang mga titik,
Sa mga mambabasang nananabik.

Kahit na nakapikit,
Sa diwa ay iyong naiukit.

Mga talatang malalagkit,
Sa isip hindi mawaglit.

Sa iyong mga sinabi,
Diwa ko'y nanaghili.

Kaya ako'y hindi mapakali,
Mga talata'y aking hinabi.


Babyluv:
Kahanga-hanga ka kaibigang makata,
Kahit ilang panahong walang balita.

Hindi maikakaila sa mga talata,
Ang husay talagang gumawa ng tula.

Mga salitang, kahulugan ay di alam,
Hindi kasi maabot ng aking isipan.

Isa ka talagang henyo na dapat tularan,
Marami pa akong sayo'y dapat matutunan.

Balagtasan sa barangay muling umpisahan,
Hanggang sa huli tayo'y gagabayan.

Huwarang makata tayo'y sasamahan,
Hindi papayag na wala tayong matututunan,
Iyan si Kiko na aking kaibigan....


Kiko:
Salamat sa iyong tinuran,
Binibining aking kaibigan.

Kung ikaw man sa akin ay may natutuhan,
Maging pamana sana ito sa kabataan.

Sa dami ng mga laro at kalayawan,
Nakalimutan na ang dating kaugalian.

Ang simple at masayang balagtasan,
Hahasain nito ang iyong kaalaman.

Hukayin ang mga malalalim na salita,
At ikabit sa magagandang talata.

Paganahin ang iyong diwa,
Lawakan ang iyong unawa.

Mararamdaman mo at ika'y matutuwa,
Kapag tula mo ay kanilang nabasa.

May ngiti sa labi na iniwan ka,
Kahit na hindi mo sila nakikita.