Ang Payo, Paghuli at Pag-uwi

PAUNAWA:

Ang inyong mababasang tula / balagtasan ay orihinal na gawa ni Francis Morilao, ayon sa buod ng kwento ng Ibong Adarna.

Prinsipe Juan:
Ako ay nahihiwagaan talaga,
Tinapay na binigay sa matandang leproso kanina;
Ngayon ay nakahain na sa lamesa,
Tila ba sila ay iisang persona.

Matandang Ermitanyo:
Oh hayan at naiayos ko na,
Ang mga gagamitin mo mamaya;
Ihanda mo ang sarili mo binata,
Para hulihin ang ibong engkantada.

Ang inyong mababasa ay nahahati sa tatlong bahagi.

Ang Payo ng Ermitanyo

Matandang Ermitanyo:
Ang punong piedras na iyong nilampasan,
Iyon ang kanyang pinupugaran;
Pagkatapos niyang kumain kung saan,
Aawit ng pito saka tutulugan.

Tuwing matatapos ang kanyang kanta,
Pitong kulay ng balahibo ang iyong makikita;
Iwasan mong matulog sa awitin niya,
Dahil baka ikaw ay maiputan, magiging bato ka.

Kuhanin mo itong pitong dayap at labaha,
Sugatan mo ang iyong katawan tuwing siya ay kakanta;
Pigaan mo ng dayap upang hindi mo makatulugan,
Pagkatapos kumanta, ipot niya ay ilagan.

Sa sandaling siya ay manahimik,
Akyatin ang puno nang walang imik;
Talian sa paa nitong gintong lubid,
Mag-ingat ka, baka mahulog sa tubig.

Ngayon binata ay lumakad na,
Hulihing madali ang Ibong Adarna;
Magbalik ka dito pag nahuli mo siya,
Upang aking ilagay sa ginawa kong hawla.

Si Prinsipe Juan ay nagtungo na sa puno ng Piedras para antayin ang pagdapo ng ibon.

Ang Paghuli sa Ibong Adarna

Prinsipe Juan:
Ayan at dumating na, ang aking hinihintay,
Tunay ang sinabi na balahibo ay makulay;
Sa ningning ng tinig baka ako'y mahimlay,
Hihiwaan ko ng labaha ang kaliwa kong kamay.

Ilang hiwa pa ang aking titiisin?
Ilang dayap pa ang aking pipigain?
Upang ako ay huwag antukin,
Upang Ibong Adarna ay tuluyan kong hulihin.

Sa wakas at nanahimik na siya,
Ngunit bakit pakpak ay nakabuka;
Dilat ang dalawang mata nakita kaya niya kanina,
Na inilagan ko ang ipot niya?

Siguradong matutuwa ang ermitanyo sa dala-dalang huli ko.

Matandang Ermitanyo:
Salamat at nakabalik ka,
Heto ang aking banga;
Sa puno ay magbalik ka may dalawang bato kang makikita,
Sumalok ka ng tubig at ibuhos sa kanila.


Nabuhay muli ang dalawang kapatid ni Prinsipe Juan at nagbalik sila sa kubo ng Ermitanyo. Pinagaling ang sugat ni Juan ng Ermitanyo at pinangaralan silang magkasundo at umuwi na sa kaharian dala ang Ibong Adarna

Ang Pag-uwi ng mga Prinsipe

Prinsipe Pedro:
(Palihim na kinausap si Prinsipe Diego)
Nainsulto ako sa nangyari,
Itong ating bunso pa ang nakahuli;
Ano na lamang ang sasabihin ng ating amang hari,
Kapag tayo sa kaharian ay nakauwi.

Tulungan mo akong siya ay patayin,
Sa daan pauwi, siya ay linlangin.

Prinsipe Diego:
Kaawa-awa naman kung siya'y kikitilan,
Siya na lamang ay ating saktan at iwanan sa kabundukan.


Nakauwi ang dalawa sa kaharian ngunit hindi nila napaawit ang Ibong Adarna samantalang si Prinsipe Juan ay sinaklolohan ng isang matanda at pinauwi sa kaharian.