Mensahe ng Pasasalamat at Pakikiusap

Nagpapasalamat ako sa pagbisita mo sa aking mga katha, nais kong malaman mo na...


Hindi lingid sa akin kung saan kang bansa nagmula, anong I.P. address mo at browser na gamit mo, at lalong lalo na kung ano ang mga kinopya mong tula/ katha ko.

Nais kong makiusap sa iyo na sana ang mga nilikha kong tula at katha ay gamitin mo sa mabuting paraan. Hindi na mahalaga sa akin kung hindi mo man ilagay ang pangalan ko o ang blog ko. Ang pakiusap ko lang ay sana'y magpasalamat ka sa Diyos sa teknolohiya na kahit nasaan ka man ay naabot kita. At higit sa lahat ay ipanalangin mo kami, oo, kaming mga OFW, mga blogistang pinoy na ang tanging libangan ay ang pagsusulat, na magkaroon ng kalakasan sa mga panahong nag-iisa kami at nagungulila sa aming mag-iina. Tao rin kami na marunong malungkot sa kabila ng kasayahan, na pinipilit ngumiti sa likod ng kalungkutan at patuloy na nagbibigay ng inspirasyon sa kabila ng mga personal na pagsubok ng buhay.

Kung ikaw ay nag-aaral pa, magsikap kang mag-aral dahil ang kaalaman mo ay hindi mananakaw ng sinoman, kopyahin man 'yan, alam ng Diyos na ikaw ang orihinal, pag-uwi mo ng bahay, yakapin mo ang iyong ina o ama, dahil ako, isang taon ko nang hindi nayayakap ang aking ina, samantalang ikaw kasama mo lang.

Kung ikaw ay may asawa, yakapin mo nang mahigpit pati na ang iyong mga anak, dahil kaming mga OFW na hindi kapiling ang pamilya ay iyan ang inaasam.

Hindi ka man bumalik dito sa aking blog, hindi ka man magkumento, salamat pa rin sa panahon mong basahin ito hanggang sa dulo.

Sana ngayong bagong taon ay magkaroon ka ng panibagong kalakasan sa iyong mga plano sa hinaharap.


Nagpapasalamat,
Kiko