Binihisan ng Tadhana | Mahabang Tula

Tula

Buhay sa simula'y tila hubad na pangarap,
Lahat ng paraan ay sadyang hinahanap;
Upang malabanan ang kinagisnang hirap,
At maiahon ang sinasabi ng iba'y masaklap.

Doon sa kanluran parating nakatanaw,
Nagmamatyag, sa paglubog ng araw;
Mga suliranin na sadyang umaapaw,
Sa kanyang paglubog, nais na ring bumitaw.

Sa dilim ng gabi,
Mga impit na hikbi;
Nanginginig na binti,
Hininga'y nagmamadali.

Sa pagpikit ng mata,
Ginhawa ang maramdaman sana;
Ngunit sa panaginip din pala,
Nag-aabang na parang diwata.

Mapaglarong isipan,
Alumpihit sa higaan;
Antok kailan daraan,
Lungkot nawa'y lumisan.

Isang tawag mula sa kawalan,
Maliwanag na tinig mula sa kanluran;
Mga problema mo ay mapaparam,
Halika at ako'y iyong hagkan.

Dagling dilat ng aking mga mata,
Agad binuksan ang aking bintana;
Kadiliman ay hindi alintana,
Sa liwanag na sa kanluran nagmumula.

Lapitan mo ako, ang sigaw niya,
Masdan ang hiwaga mula sa aking mukha;
Magugulat ka sa iyong makikita,
Ginhawang tatagos hanggang kaluluwa.

Dalidaling sa bahay ay bumaba,
Tinungo ang tinig kung saan nagmumula;
Kahit na balot ng takot at kaba,
Sa 'di kalayuan aninag ko na siya.

Ano itong magandang nilalang,
Tanong sa isip na may pag-aalinlangan;
Katawan niya'y nababalot sa kaputian,
Nagliliwanag ang hubad niyang katawan.

Sa aking paglapit,
Ngiti niya'y malagkit;
Mata ko'y nakatutok,
Sa pisngi niyang marikit.

Mga labi nyang kay pula,
Naghihintay ng aking pagkalinga;
Tibok ng puso ko'y bumilis bigla,
Nang lumapat ang labi ko sa mga labi nya.

Ako ay napapikit sa sarap na dulot,
Matamis na halik napawi aking lungkot;
Sana ay huwag nang matapos,
Ang sarap na dulot ng halik na tumatagos.

Panaginip na sadyang mapanlinlang,
Ginhawang masasabing panandalian;
Kailan ko kaya mararanasan?
Ang ligayang dulot na magpakailanman.

Sa paglipas ng mga araw,
May isang dalaga akong natanaw;
Sa mga mata ko'y ayaw niyang bumitaw,
Tinig niya, sa akin ay batingaw.

Nais kong sa kanya'y magpakilala,
Siya na nga ba ang aking tadhana?
O isa na namang mapaglinlang na diwata,
Na sa panaginip lamang nagpapakita.

Hindi naging madali nang siya ay lapitan,
Hindi basta basta, sabi ng ilan;
Hindi naman ako papatalo sa laban,
Hinding hindi ako susuko, kailanman.

Oo masasabi kong gusto ko na siya,
Oo siya na ang iniisip ko sa tuwina;
Oo pati tibok ng puso ko'y pangalan na niya,
Oo, sana ang isagot niya sa hinain kong pagsinta.

Ngayon'y unti-unting nabibihisan,
Itong hubad kong katauhan;
Ng pagmamahal niyang binigyang puwang,
Tadhana na sa akin nakalaan.