Babad

Tulang ito'y aking ginawa,
Alay sa bawat pamilya;
Bagong taon, bagong pag-asa,
Dalangin sa Diyos, na ating Ama.

Nais kong magpakalunod sa Iyong presensya,
Nais kong palakasin itong aking kaluluwa;
Ipagsigawan ang aking nadarama,
Ang pangungulila't pagkabalisa.

Ikaw Ang Dahilan

Ikaw ang dahilan ng aking pakikipagsapalaran,
hindi ko nais na ikaw ay iwanan;
kahit na ako'y nangibang-bayan,
ang puso ko’y sa iyo nakalaan.

Isang kahangalan ang sabi ng ilan,
walang utang na loob kanilang ibinibintang;
ngunit kung ako'y iyong pakikinggan,
damdamin ko'y lubos na mauunawaan.

Anak, Nasaan Ka Na?

Anak, saan ang landas na iyong patutunguhan?
Ano ang iyong plano sa kinabukasan?

Mayroon ka bang nais subukan?
Na sa mura mong edad ay gustong matikman?

Nais kong malaman mo na hindi madali, bilang OFW,
Na mawalay sa piling mo;

Gustuhin ko mang palaging nandyan sa tabi mo,
Upang damayan ka sa problema mo.

Sa Aking Pagbabalik, Dala Ko Ay Karunungan

Sabihin man ng ilan,
Na ako ay nangibang bayan;

At kanilang hinusgahang,
Iniwan ang lupang sinilangan.

Hindi ko pa rin magagawang,
Bayan ko ay kalimutan;

'Pagkat buo ang aking kaisipang,
Maging isang huwaran sa bansang aking pinuntahan.

Kabataan sa Panahon ng Digmaan

Wala silang kamuwang-muwang,
sa nagaganap na digmaan;

Wala silang pakialam,
sa nangyayari sa sanlibutan.

Kahit anong paliwanag ang sabihin,
Nagkalat man ang babasahin;

Paglalaro ang gusto nilang gawin,
Pagkatapos na sila'y magsikain.

Baraha ng Puso

Baraha ng pag-ibig ay maaaring awitin,
Magbibigay sigla sa malungkot mong damdamin;

Samahan akong ito ay kantahin,
Bawat linya ay basahin at ito'y sauluhin.

Barahang nabasΓ’ ng luha,
Balasahin mo lang saka itihaya;

O kaya naman'y isa-isang pintahan,
Ilatag sa lamesa at saka pagmasdan.

Pangarap Mong Tangan

Pangarap mong tangan-tangan isa-puso't huwag kalimutan,
Tulang ito'y maging kalakasan, Diyos nawa'y ikaw'y gabayan.

Listahan

May kanya kanya tayong listahan maiksi man o may kahabaan,
Listahan ng ating ginagampanan o kaya naman'y sa lugar na pupuntahan;
Tiyak na hindi makakalimutan kung naisulat sa listahan,
Ang mga nais bilhin 'pag pumunta sa tindahan.