Kabataan sa Panahon ng Digmaan

Wala silang kamuwang-muwang,
sa nagaganap na digmaan;

Wala silang pakialam,
sa nangyayari sa sanlibutan.

Kahit anong paliwanag ang sabihin,
Nagkalat man ang babasahin;

Paglalaro ang gusto nilang gawin,
Pagkatapos na sila'y magsikain.

Ngunit anong hiwaga mayroon sila,
Na nakapagbibigay ng pag-asa;

Masdan mo ang munting bata,
Hahayaan mo bang silay maging biktima?

Magulo ang iyong sinasambit,
O pinagulo mo ang iyong pag-iisip;

Wala ka na bang masabing matuwid,
Puro negatibo ang 'yong bukambibig.

Daig mo pa ang pusakal na walang dangal,
Na patuloy na nagdadasal sa Maykapal;

Kailan ka makakalaya sa kulungang bakal,
Na salat sa kaalaman at pagmamahal.

Nakuha mo pang humarap sa madla,
Ibinabandila ang kapal ng mukha;

Nakikihalubilo at nakikitawa,
Nangyayari sa paligid ay hindi alintana.

Ikaw ba'y katulad din ng paslit,
Na mata ay kusang ipipikit;

At diwa ay dagling iwawaglit,
Na kasing mangmang ng pag-iisip?

Dila ko man ngayon ay matabil,
'Pagkat hindi ka naman inutil;

Damhin mo ang aking pagsupil,
Sa kalikuang iyong ipinapaskil.

Kabataan ay pahalagahan,
Lalong lalo na sa panahon ng digmaan;

'Pagkat sila'y sa Ama ay may katuwiran,
Kababaan ng loob ang taglay nilang alam.