Class Reunion | High School Life

Nagulat na lang ako nang makita kitang nakatitig sa akin, na miss mo siguro ang itsura ko mula nang huli tayong magkita.

Binalewala ko ang mga bagay na 'yon, patuloy akong nagpakabusy sa pagkausap sa mga kaklase natin na matapos ang halos sampung taong hindi pagkikita ay muling magkakasama sa isang simpleng Class Reunion.

Bakit ba tuwing magkakatagpo ang ating mga mata ay may kung anong nangungusap dito? Pilit kong inililihis ang aking mga mata kahit na alam kong hinahabol mo ako ng tingin.

Matapos ang picture-an at kumustahan, umupo na ang lahat para kumain, sadyang umupo ka sa tapat ko para magpapansin, hindi ka pa rin nagbabago, gentleman ka pa rin at inihanda mo ako ng maiinom. Bilib lang talaga ako sa mga simple mong galaw dahil kahit isa sa mga kaklase natin ay walang nakakapansin pero ako pansin na pansin ko.

Pagkatapos kumain ay sinundan mo ako papunta sa C.R. Hinabol mo ako at sinabing gusto mo akong kausapin pagkalabas ko.

Ano ang pag-uusapan namin?

Ano ang mga itatanong niya?

Ano ang mga dapat kong isagot?

Inihanda ko ang mga isasagot ko sa aking pag-iisip hanggang sa lumabas ako at nakita ko siyang nag-aantay sa labas.

Ikaw ha, talagang inantay mo ako, pabirong sabi ko, Ano ang pag-uusapan natin?, tanong ko.

Pwede ba kitang mayakap? Tanong mo.

Sa lahat ng mga inihanda kong sagot sa mga pwede mong itanong ay nawalan ako ng imik, ibinaba ko ang tingin mula sa iyong mga mata papunta sa iyong dibdib at ako ay yumuko.

Katahimikan

Alam mong gusto ko ring yumakap sa iyo pero mas pinili kong manahimik at makiramdam.

Naramdaman ko na lang na lumapat ang iyong katawan sa akin at mahigpit kang yumakap. Unti-unting pumatak ang aking luha kasabay ng pagyakap ko ng aking mga braso sa iyong likuran.

Ramdam na ramdam ko ang tibok ng iyong puso, alam na alam kong ako pa rin ang tinitibok nito. Naidikit ko ang aking mukha sa iyong harapan na naging dahilan para mabasa ng luha ang iyong damit. Kumalas ka sa pagkakayakap, pinahiran mo ang aking mga luha at nagsabing...

Salamat

Tumalikod ka at lumayo.

Naiwan akong nagpupunas ng luha at sumunod pabalik sa function room na ating nirentahan para sa Class Reunion. Muli tayong nagkatinginan at nakita ko ang pag-asa ng pag-ibig sa iyong mga mata. Pag-ibig na minsan nating pinakawalan at muling babalikan matapos ang ilang taon.

Hindi na ako magdadalawang-isip pa…

Ngayong malaya na ako at alam kong malaya ka na…

Ang puso ko sa iyo'y iaalay na…

At nanaising habambuhay na makasama…


Wakas


Kiko:
May mga pag-ibig na nabibigo,
at mayroon namang natutupad, sa tamang panahon,
sa tamang pagkakataon.

Ilang taon man ang nagdaan
Kapag puso ay pinagbigyan
Ligayang inaasam-asam
Dumarating nang hindi inaasahan.