Pag-ibig sa Tinubuang Lupa ni Andres Bonifacio

Tula

Aling pag-ibig pa ang hihigit kaya, sa pagka-dalisay at pagka-dakila
gaya ng pag-ibig sa tinubuang lupa? Alin pag-ibig pa? Wala na nga, wala.

Ulit-ulitin mang basahin ng isip at isa-isahing talastasing pilit
ang salita’t buhay na limbag at titik ng isang katauhan ito’y namamasid.

Banal na pag-ibig pag ikaw ang nukal sa tapat na puso ng sino’t alinman,
imbit taong gubat, maralita’t mangmang nagiging dakila at iginagalang.

Pagpuring lubos ang nagiging hangad sa bayan ng taong may dangal na ingat,
umawit, tumula, kumatha’t sumulat, kalakhan din nila’y isinisiwalat.

Walang mahalagang hindi inihandog ng pusong mahal sa Bayang nagkupkop,
dugo, yaman, dunong, tiisa’t pagod, buhay ma’y abuting magkalagot-lagot.

Bakit? Ano itong sakdal nang laki na hinahandugan ng buong pag kasi
na sa lalong mahal kapangyayari at ginugugulan ng buhay na iwi.

Ay! Ito’y ang Inang Bayang tinubuan, siya’y ina’t tangi na kinamulatan
ng kawili-wiling liwanag ng araw na nagbibigay init sa lunong katawan.

Sa kanya’y utang ang unang pagtanggol ng simoy ng hanging nagbigay lunas,
sa inis na puso na sisinghap-singhap, sa balong malalim ng siphayo’t hirap.

Kalakip din nito’y pag-ibig sa Bayan ang lahat ng lalong sa gunita’y mahal
mula sa masaya’t gasong kasanggulan hanggang sa katawan ay mapasa-libingan.

Ang na nga kapanahon ng aliw, ang inaasahang araw na darating
ng pagka-timawa ng mga alipin, liban pa ba sa bayan tatanghalin?

At ang balang kahoy at ang balang sanga na parang niya’t gubat na kaaya-aya
sukat ang makita’t sasa-ala-ala ang ina’t ang giliw lampas sa saya.

Tubig niyang malinaw sa anak’y bulog bukal sa batisang nagkalat sa bundok
malambot na huni ng matuling agos na nakaa-aliw sa pusong may lungkot.

Sa kaba ng abang mawalay sa Bayan! gunita ma’y laging sakbibi ng lumbay
walang ala-ala’t inaasam-asam kundi ang makita’ng lupang tinubuan.

Pati na’ng magdusa’t sampung kamatayan waring masarap kung dahil sa Bayan
at lalong maghirap, O! himalang bagay, lalong pag-irog pa ang sa kanya’y alay.

Kung ang bayang ito’y nasa panganib at siya ay dapat na ipagtangkilik
ang anak, asawa, magulang, kapatid isang tawag niya’y tatalikdang pilit.

Datapwa kung bayan ng ka-Tagalogan ay nilalapastangan at niyuyurakan
katwiran, puri niya’t kamahalan ng sama ng lilong ibang bayan.

Di gaano kaya ang paghinagpis ng pusong Tagalog sa puring nalait
at aling kaluoban na lalong tahimik ang di pupukawin sa paghihimagsik?

Saan magbubuhat ang paghihinay sa paghihiganti’t gumugol ng buhay
kung wala ring ibang kasasadlakan kundi ang lugami sa ka-alipinan?

Kung ang pagka-baon niya’t pagka-busabos sa lusak ng daya’t tunay na pag-ayop
supil ng pang-hampas tanikalang gapos at luha na lamang ang pinaa-agos

Sa kanyang anyo’y sino ang tutunghay na di-aakayin sa gawang magdamdam
pusong naglilipak sa pagka-sukaban na hindi gumagalang dugo at buhay.

Mangyari kayang ito’y masulyap ng mga Tagalog at hindi lumingap
sa naghihingalong Inang nasa yapak ng kasuklam-suklam na Castilang hamak.

Nasaan ang dangal ng mga Tagalog, nasaan ang dugong dapat na ibuhos?
bayan ay inaapi, bakit di kumikilos? at natitilihang ito’y mapanuod.

Hayo na nga kayo, kayong ngang buhay sa pag-asang lubos na kaginhawahan
at walang tinamo kundi kapaitan, kaya nga’t ibigin ang naaabang bayan.

Kayong antayan na sa kapapasakit ng dakilang hangad sa batis ng dibdib
muling pabalungit tunay na pag-ibig kusang ibulalas sa bayang piniit.

Kayong nalagasan ng bunga’t bulaklak kahoy niyaring buhay na nilant sukat
ng bala-balakit makapal na hirap muling manariwa’t sa baya’y lumiyag.

Kayong mga pusong kusang pugal ng dagat at bagsik ng ganid na asal,
ngayon magbangon’t baya’y itanghal agawin sa kuko ng mga sukaban.

Kayong mga dukhang walang tanging lasap kundi ang mabuhay sa dalita’t hirap,
ampunin ang bayan kung nasa ay lunas sapagkat ang ginhawa niya ay sa lahat.

Ipaghandog-handog ang buong pag-ibig hanggang sa mga dugo’y ubusang itigis
kung sa pagtatanggol, buhay ay mailit ito’y kapalaran at tunay na langit.


Si Andres Bonifacio ay ipinanganak noong ika-30 ng Nobyembre, 1863. Ang kanyang mga magulang ay sina Santiago Bonifacio at Catalina de Castro. Nakatapos siya sa mababang paaralan ni Guillermo Osmenia ng Cebu at sa gulang na 14, ang kanyang mga magulang ay namatay at napilitan siyang huminto sa pag-aaral upang alagaan ang mga nakababata niyang kapatid na babae and lalaki. Bilang hanap-buhay, inatasan niya ang kanyang mga kapatid na tulungan siya sa paggawa ng kahoy na baston at papel na pamaypay na kanyang itininda sa lansangan.

Dahil siya ay marunong magbasa at sumulat, siya ay naging isang kawani ng Kumpaniyang "Fleeming and Company", isang kumpaniya na nagtitinda ng rattan at iba pang mga paninda. Dahil siya ay masipag, siya ay ginawang ahente. Subalit ang kanyang kinikita ay hindi pa rin sapat na pang suporta sa kanyang mga naulilang kapatid. Lumipat siya sa kumpaniyang "Fressell and Company" bilang ahente. Ipinakita niya ang bukod tanging determinasiyon at sipag kaya naging matatag siya sa kanyang trabaho.

Dinagdagan niya ang kanyang kakulangan sa pag-aaral sa pamagitan ng pagbabasa at sariling pag-aaral. Kasama sa sa mga kakaunting aklat na kanyang binasa ay ang mga nobela ni Rizal na Noli Me Tangere at El Filibusterismo, Ang mga buhay ng Pangulo, Ang "Les Miserables" ni Victor Hugo (na isinalin niya sa Tagalog), Ang pagkasira ng Palmyra at Himagsikang Pranses. Nakapagsulat din siya ng mga artikulo at mga tula, isa na dito ang pinakasikat na "Pag-ibig sa Tinubuang Lupa".

Tula ni Andress Bonifacio Pag-ibig sa Tinubuang Lupa