Huwag Naman

Tula

Huwag mo sa aking sabihin na ang lahat ay tapos na sa atin,
Hindi madaling tanggaping tapos na ang pag‑iibigan natin.

Ano ang dahilan? Bakit ka nagkakaganyan?
Bakit hindi natin pag‑usapan? Gawan natin ng paraan.

Ang maliit na bagay ay huwag nating palakihin,
Ako'y iyong kausapin at huwag balewalain.

Ilang gabing hindi ka nakapiling,
Damdamin ko'y iyong paka isipin.
Huwag naman sanang muling paluhain,
Hindi ko na alam ang aking gagawin.

Ilang minuto na akong nakatingala,
Dito sa aking kama sa pagkakahiga;
Inaaninag ko ang itsura ng iyong mukha,
Tinatanong sa kawalan kung kailan ka magpapakita.

Hindi mo ba alam na ako'y nahihirapan?
Pati trabaho ko ay naaapektuhan;
Maski na itong aking kalusugan,
Nalilimutan ko ng kumain ng hapunan.

Huwag naman sana ako'y gawing basahan,
Matapos mong gamitin ay basta na lang iiwan;
Tao ako hindi isang laruan,
Na kapag sawa ka na ay ipamimigay na lamang.

Kung alam ko lang sana sa simula't simula pa,
Na pag-ibig mo'y huwad at puro pagnanasa;
Pagmamahalan nati'y hindi na sana nagbunga,
Masakit sa dibdib tagos hanggang kaluluwa.

Bukas kapag hindi mo pa ako kinausap,
Mawawala ako at hindi mo na mahahanap;
Tumingin ka man sa langit maging sa mga ulap,
Magiging isang ala-ala na lang ako sa iyong mga pangarap.