Malalim

Mabuti ka pa at ikaw ay malalim,
Sa mga panahong gabi ay madilim;
Ilang sandali lang diwa mo'y lumisan,
Samantalang ako'y alumpihit sa higaan.

Mamaya maya lang hilik mo ay pumailanglang,
Lalo tuloy aking tulog ay 'di dapuan;
Nahihiya man akong ikaw ay tabigin,
'Pagkat sarap ng tulog mo'y ayaw kong pigilin.

Kailan kaya ako makakatulog ng mahimbing?
Katulad ng mantika sa lalagyan nakatining;
Kung alam mo lang itong aking saloobin,
Antok na antok na ako gusto sa 'yong sabihin.