Mabuhay Ka Aking Kabayan

Maghapon sa lansangan 'di alintana ang init ng araw,
Sa kakarampot na kinikita pantawid gutom sa pang araw-araw;
Marangal mong gawain kaunti ang nakakapansin,
Buong kalsada kung linisin, kalat sa daan iyong wawalisin.

Mabuhay ka aking kabayan!
Kahit salat ka sa pinag-aralan,
Nasa diwa mo naman ang kalinisan.

Malayo man ang aking narating,
Ikaw'y patuloy kong lilingunin;
'Pagkat dakila ang iyong layunin,
Basura namin'y iyong lilinisin.

Para sa akin ay isang karangalan,
Na gawan ng tula ang nagwawalis sa lansangan;
Kahit na maghapong pagpawisan,
May pamilya namang inuuwian.

Hindi mo man mabasa itong handog ko,
Magkaiba man ang ating mundo dahil OFW ako;
Sa totoo lang, naiingit ako sa iyo,
Dahil mayayakap mo ang asawa't anak mo...
Pagkagaling mong magtrabaho.

Photo © Arvin Pastorin