Kathang Isip sa Karagatan

Sa muling pagtiklop ng langit,
Mata'y lumigid sa baybayin;
Hinahanap kahit anino,
Kung ikaw nga ba ay darating.

Pusong uhaw sa iyong piling,
Hinahanap ang haplos mo't paglalambing;
Sunod sa kumpas ng alon,
Kadiliman ay tumakip sa maghapon.

Ayaw pang tumayo sa pagkakaupo,
Sa buhanging nagbabalatkayo;
Simo'y ng dagat wari'y ikaw'y darating,
Bigyang pag-asa itong pusong nagdirimdim.

Katahimikan ko'y pinunit ng sigla,
Sa yakap mong nakabibigla;
Sabay harap sa iyong pagsinta,
Hay! hangin lamang pala.

Nagtatampo ang mga ulap,
Mga bituin ay ayaw lumiwanag;
Mabuti pang umuwi na lamang,
At huwag nang mag-antay ng magdamag.

Kailan ka ba darating?
Tanong ng diwang may hinihiling,
Sa kawalan ay nakatitig ng mariin;
Bigyang pansin ang aking hiling.

Pangarap ko ay simple lamang,
Ang makapiling ka kahit panandalian;
Pumarito ka sa aking kinaroroonan,
Ating pagsaluhan ang pagmamahalan.