Bangungot ng Bagyong Sendong sa Iligan City at Cagayan de Oro City

Tula

Kahit anong gawin kong pagpikit,
Hindi ako makaidlip;
Masamang balitang hatid,
Luha ko'y nangingilid.

Ilang trahedya na nga ba?
Ang pinagdaanan ng ating bansa;
Bakit kung kailan magpapasko pa,
Saka maraming nagaganap na sakuna.

Tanong ko sa Maykapal,
Kalakip ng aking dasal;
Kalooban Mo ba?, aking inusal,
Tinig ko’y nangangatal.

Lungkot at pagkabalisa,
Punyal na tumarak kay Ina;
Kalikasang sukdulang nagwala,
Damay itong munting bata.

Pag-ibig sa kalikasan,
Binanggit na nang nakaraan;
Marami na ang sinabihan,
Parang nagbibingi bingihan lamang.

Trahedyang naganap sa Iligan City,
Pati na rin sa Cagayan de Oro City;
Kailan tayo magmumuni-muni,
Sa mga sakunang nangyayari?

Dali-dali akong nagtindig,
Aking lapis ay inihilig;
Isusulat ang aking tinig,
Kahit na ako’y nanginginig.

Sa lalim nitong hatinggabi,
Pangyayaring hindi maikubli;
Mga larawang pinagtagni tagni,
Kasinghaba ng hawak kong sipi.

Ikulong mo ako sa iyong bisig.
Ngayong ako’y nanginginig;
Sa nararamdaman kong lamig,
Takpan mo ang aking bibig.

Sino ang dapat sisihin?
Kanino ipapaalam ang sumbong natin?
Mga tanong na hindi kayang sagutin,
Mga bintang na walang mararating.

Ikaw na nagbabasa,
Ano ang iyong nahihinuha?
Trahedyang dulot sa bata,
Pangarap ng munti’y nasira.

Bangungot ng Bagyong Sendong,
Tulang inaaalay sa mga taga doon;
Doon sa Iligan at Cagayan,
Na pinagmalupitan ng panahon.

Panahon nga ba ang may sala?
Parusa ba ito ni Bathala?
O ang taong makapal ang bulsa,
Sa kalikasan ay nagpapasasa.

Ayan at antok ay nariyan na,
Tatapusin ko na ang aking tula;
Tulang binalangkas ng dusa,
Pighati ng damdaming aba.

Bukas sa muling pagdilat ng mata,
Pag-asang may matututunan sana;
Ang bawat trahedyang tinamasa,
Pilipino kailan mumulat ang mata?

Patuloy bang magbubulag bulagan?
Babaliwalain ang napapakinggan;
Tulang ito’y hindi babasahin,
‘Pagkat masakit sa damdamin.

At sa huling yugto ng aking sining,
Ako ay may kaunting hinihiling;
Pagtulong sa kapwa ay iparating,
Maging sa ating panalangin.

Bangungot ng Bagyong Sendong sa Iligan City at Cagayan de Oro City