Solusyon sa Problema - Meron nga ba?

Sabi ni ka Freddie "Tawanan mo ang iyong problema" eh paano ang problema ng iba? Kaibigan 'wag na lang tayong paapekto sa kanilang problema, ang mahalaga, nariyan ka at handang makinig sa kanila kung kailangan nila ng mapagsasabihan, may maitulong ka man o wala, nariyan pa rin ang moral support mo.

Siguro napapansin mo dati maliit lang ang problema mo, ngayon malaki na, at pati problema ng iba pinuproblema mo na rin? Ibig sabihin nyan ibang level na ang maturity mo, pero kung ang problema ay paulit-ulit lang baka mayroong hindi natutunan.

Ang problema, malaki man o maliit ay kailangang harapin, at gawin itong isang oportunidad para sa karagdagang kaalaman at kalinangan. Hasain ang sarili sa pagtingin sa bawat angulo ng problema at mayroong mga mungkahing solusyon na maaaring maging kasagutan. Ang mahalaga, patuloy kang maging aktibo sa paghanap ng solusyon sa problema at maging positibo sa maaaring maging resulta nito.

Marami ang naniniwala sa kasabihang "If you have a big problem you have a bigger GOD" totoo ito ngunit marami pa rin ang hindi nagtatagumpay, bakit? Sapagkat sinasabi ng Bibliya, ang pananampalatayang walang gawa ay patay!

May problema ka, may pananampalataya ka sa Diyos na kaya ka Niyang tulungan, pero dapat kumilos ka rin, dahil kung tutulungan ka ng Diyos, gagamit Siya ng mga tao at pangyayari na magiging dahilan para matugunan ang iyong problema, ang tanong sumusunod ka ba sa Diyos? Gaano na kataas ang level ng iyong faith? At hindi natin pwede ikumpara ang pananampalataya ng isa sa isa.

O kaya naman ang problema mong inaasa sa tulong ng Diyos ay alam na alam mo sa sarili mong hindi sang-ayon ang Diyos sa pinuproblema mo, at higit sa lahat ikaw ang gumagawa ng sarili mong problema na kung titignan ng iyong mga kaibigan ay napapraning ka lang, gets?