Dahil May Isang Ina

Maikling Kwento

Breaking News: Sikat na Scientist nagSuicide

Isang sikat na scientist ang natagpuang duguan at hinihinalang ito ay nagsuicide. Ayon kay SPO4 Martinez, naganap ang pangyayari mismo sa loob ng kaniyang tinitirhang mansyon…


SA HOSPITAL

Sergio ano bang pumasok sa utak mo at nagSuicide ka?, tanong ni Diana, kasintahan ni Sergio. Kasalukuyan siyang nagpapagaling, mabuti na lang at naagapan at hindi naubusan ng dugo si Sergio.

Hindi pa rin umiimik si Sergio, tanging patak lang ng luha ang nakitang reaksyon niya.

Nag-aalala na si Diana sa nangyayari sa kanyang kasintahan. Naisipan niyang tawagan ang kanilang Pastor upang mabigyan ng payo nito si Sergio.

30 YEARS AGO…

Bilisan mo Sergio, Dito! Dito ka magtago ha, huwag kang lalabas at baka makita ka ng mga hapon, babalikan ko lang ang mga kapatid mo, wika ng Ina ni Sergio. Panahon ng Hapon at kasalukuyang sinasakop ang kanilang lugar, walang magawa ang kanyang ina kundi itago silang magkakapatid dahil ang kanyang ama ay bihag na rin ng mga Hapon.

Umabot na ang gabi at walang nagbalik na Ina sa pinagtataguan ni Sergio, nanatili siyang nakakubli sa lugar na kanyang pinagtataguan, hindi niya pansin ang pangangalam ng kanyang sikmura sa gutom, takot at pag-aalala ang bumabalot sa kanyang pag-iisip, ilang araw ang nakalipas at natagpuan siyang walang malay ng mga guerilla sa kanyang pinagtataguan.

Sa wakas ay umalis na ang mga hapon at natapos na rin ang kanilang pananakop.

Nang magkamalay si Sergio, agad niyang pinagtanong ang kanyang ina at mga kapatid. Wala ni isa sa mga guerilla ang makapagsabi kung nasaan ang mga ito.

Dahil sa kanyang layuning muling makita ang kanyang Ina at mga kapatid, nagsilbi itong inspirasyon sa kanya upang mag-aral nang mabuti. Salamat sa pamilyang kumupkop sa kanya at nagpa-aral.

Lumipas ang ilang taon at nadagdagan ang kaalaman ni Sergio sa mga bagay bagay ng buhay, ngunit ang kanyang layuning hanapin ang kanyang Ina at mga kapatid ay hindi nawala sa kanyang isip, nananatili sa kanyang diwa ang itsura ng kanyang Ina at 3 kapatid. Hanggang isang araw, sinamahan siya ng mag-asawang nag-alaga sa kanya sa kanilang lumang bahay.

Parang bumuhos ang pagkalakas lakas na ulan sa kanyang buong katawan at nanlamig ito nang muli siya tumuntong sa kanilang lumang bahay. Kitang kita ang bakas ng pananakop ng mga hapon sa kanilang bahay, bagaman nakalipas na ang ilang taon ay nanatili itong nakatayo at walang ibang nagsamantalang pasukin ang kanilang bahay.

Nagsimulang manumbalik sa kanyang ala-ala ang mga pangyayari sa loob ng kanilang bahay, naalala niya ang masayang harutan nilang magkakapatid sa kanilang sala, at ang pagsasalu-salo nilang kumain sa hapag kainan kasama ang kanyang ama't ina. Napaupo siyang bigla at nablanko ang kanyang pag-iisip. Patak ng luha at kalungkutan ang kanyang naramdaman sa pagkakataong iyon.

Bigla niyang naisip na pumunta sa kwarto ng kanyang mga magulang, upang kahit papaano ay makakuha ng larawan ng kanyang Ina't mga kapatid. Dagli niyang kinuha ang kwadro ng kanyang Ina na halos nababalot na ng makapal na agiw at alikabok. Nakita rin niya ang kwadro ng kanyang mga kapatid. Dinala niya ito sa kanyang pagbabalik sa bahay ng mag-asawang nag-alaga sa kanya.

Tuluyan nang nabuo sa kanyang isipan na kapag nakapagtapos siya ng pag-aaral sa Mataas na Paaralan ay magpapatuloy siyang mag-aral sa Kolehiyo bilang isang Seyentipiko. Nais niyang madagdagan ang kaalaman sa DNA (Deoxyribonucleic acid) upang kung may pagkakataon at sakaling buhay pa ang kanyang Ina at mga kapatid at malalaman niyang sila nga ito.

Makalipas ang ilan pang taon ay nakapagtapos na siya ng pag-aaral na nag-ani ng maraming karangalan. Naging sikat na Scientist si Sergio sa mga nadiskubre niyang mga bagay bagay para sa ikauunlad ng Immune System ng isang nilalang.

Hanggang sa nagkaroon ng pagkakataong imbitahan siya sa isang Convention sa bansang Hapon upang talakayin ang kanyang mga bagong imbensyon.

Tadhana na siguro ang nagtulak para muling magkita kita silang mag-ina at mga kapatid.

PRESENT DAY

Sa isang Japanese Restaurant habang kumakain ng hapunan si Sergio ay hindi niya maunawaan ang kanyang nararamdaman, may kung anong lukso ng dibdib ang kanyang nadama nang magsalubong ang tingin nila ng may-ari ng Restaurant. Hindi niya ito pinansin, baka siguro dahil sa stress lang siya nang mga nagdaang araw dahil sa schedule ng kanyang convention, ngunit nang biglang lumapit ang isang binatang halos nasa kagaya niyang edad ay naghinala na siya, rinig na rinig niya ang pag-uusap nito at kapansin pansin na tagalog ang kanilang salita at wari niya ay mag-ina ito. Akmang tatayo siya upang lapitan sila, biglang tumunog ang kanyang mobile phone, hudyat na hinahanap na siya sa Hotel na kanyang tinutuluyan. Paglingon nya sa dalawa ay wala na ito. Hinagilap niya ng tingin at wala na talaga. Nakaalis na daw sabi ng waiter.

Buo na ang kanyang plano sa kanyang pagbabalik ay magpapakilala siya sa may-ari ng Restaurant at sa anak nito kinabukasan.

Laking pagtataka niya nang pagbalik niya ng Restaurant ay sarado ito.
Siguro nga hindi sila ang hinahanap ko, nasabi sa sarili ni Sergio. Ngunit may lumabas sa pintuan ng Restaurant, isang babaeng may katamtamang taas kasama ang batang nasa anim na taong gulang, nagdadalawang isip siyang lapitan sapagkat mukha naman silang mga hapon. Tumalikod na lang si Sergio at humakbang papalayo ngunit narinig niyang sumigaw ang bata na tinatawag ang tao sa loob ng Restaurant na nagsasabing… Tito tara na, antagal tagal mo, kanina pa kami ni mama dito sa labas. Biglang nagkaroon ng lakas ng loob si Sergio upang lapitan ang mag-ina at magpakilala. Doctor Sergio!? tanong ng babae habang papalapit si Sergio sa kanila. Lalo pang naging malakas ang loob ni Sergio upang magpakilala. Oo ako nga, Doc. Sergio de Castro. Sabi ko na eh, sikat kasi kayong scientist at halos laman kayo ng news dito sa Japan dahil sa mga inventions ninyo. Bakit po kayo narito?, tanong niya. Hindi na napigilan ni Sergio ang pagpatak ng kanyang luha sapagkat kitang kita niya ang kanyang kapatid na lumaki na at halos walang pinag-iba ang itsura nito mula pagkabata. Umm kagabi kasi kumain ako dito sa Restaurant ninyo, nakita ko ang May-ari, mukha kasing pamilyar siya sa akin, paliwanag ni Sergio. Ahh si mama, oo nandito siya kagabi kaso, nasa ospital siya ngayon, pupuntahan nga namin nitong anak ko at ni Kuya Riz. Susana ba ang pangalan ng nanay mo? Ikaw Virginia ba ang pangalan mo? magkasunod na tanong si Sergio. Opo, Susana nga at Virginia po ang pangalan ko. Hindi na napigilan ni Sergio na yakapin ang kapatid. Takang taka naman si Virginia pati ang bata. Ako si kuya Sergio ninyo, kapatid ko kayo nila Rizal at Joanna. Biglang dumating si Rizal at nagsabing... Sino siya? tara punta na tayo sa hospital. Siya si kuya Sergio, kuya Riz! Ku-kuya Sergio!? Napayakap si Rizal sa kanyang kuya, bagaman halos nawala na sa isip nito ang nakatatandang kapatid dahil sa tagal nang panahong hindi nagkikita.

Tara kuya Serg, samahan mo kami at puntahan natin si mama sa hospital.
Sakay ng kotse ang magkakapatid, napagkasunduan nilang sa kotse na lamang ni Sergio sumakay papuntang ospital. Alam nyo bang matagal ko kayong hinanap!? may panginginig na wika ni Sergio sa mga kapatid. Nasaan si Joanna!? kasunod na tanong nito. Nasa pilipinas siya kuya, tugon ni Virginia, naghahanap ng kidney donor o kaya ang may pinakamalapit nating kamag-anak upang maisalin kay mama, may kidney failure si mama at kinakailangang maoperahan siya sa lalong madaling panahon, pagpapatuloy nito. Ganun ba!? Kung may contact ka ni Joanna tawagan mo siya at sabihin mong huwag nang maghanap, ang kidney ko na lang ang ibibigay ko kay mama, paliwanag ni Sergio. Sa loob ng silid ng hospital ay bumungad kay Sergio ang walang malay niyang ina. Hindi niya maintindihan, samantalang kagabi lang ay nakita pa niya itong nagsasalita at kausap si Rizal. Alam mo ba kuya, pinagalitan ko nga 'yan si mama kagabi, sinabi kong magpahinga na dahil masama ang pakiramdam niya kahapon, ayun bumigay kaninang madaling araw at agad naming sinugod dito. Ring Ring Tumunog ang mobile phone ni Sergio, si Diana ang kanyang kasintahan. … sa lalong madaling panahon

… sige bye

Si Diana ang girlfriend ko, pinapauwi na ako sa pilipinas ngunit sinabi kong kailangan kong magpaopera para ibigay ang kidney ko kay mama, paliwanag nito sa magkapatid.

Doc, is there a way that I can talk to my mom before we proceed with the operation?, tanong ni Sergio. I am sorry Doc Sergio, your mom is in critical stage right now, and we can't afford to waste time, the kidney transplant must be administered the soonest possible, sagot ng doctor. Doc, I'll undergo for tests if I'm a candidate for kidney transplant, paliwanag ni Sergio Ok please follow me. Iwanan ko muna kayo Virginia, kung sakaling magkamalay si inay pakisabing si Sergio ang anak niya ang magdodonate ng kidney para sa kanya at sana pumasa ako sa tests, paalam ni Sergio. Opo kuya, ipagpray namin.
Naging matagumpay ang kidney transplant nila Sergio at ng kanyang ina, ngunit wala pa ring malay ito.

Si Sergio naman ay naka recover na at nakamatyag sa kanyang ina sa pag-asang magkamalay ito at makausap.

Lumipas ang ilang araw at naghilom ang mga sugat na bunga ng operasyon, maayos na ang lagay ni Sergio at ng kanyang ina ngunit wala pa rin itong malay. Hiniling na ni Sergio na gawan ng kahit anong paraan ng mga doctor upang kahit papaano ay magising ito.

Dala ng pagkabalisa ay nagpasya silang iuwi na lamang ang ina sa Pilipinas kasama ang kanyang mga kapatid at pamangkin.

Nanatiling walang malay ang kanyang ina hanggang sa dumating sila sa mansyon ni Sergio.
Wow kuya Serg ang ganda ganda naman ng bahay mo pagkalaki laki, tuwang tuwang sabi ni Virginia. Dumating na rin si Diana kasama si Joanna ang kanilang bunsong kapatid. Iniutos niyang dalhin sa isang malaking guest room ang kanyang ina upang maiayos ito ng higa. Si Joanna naman ang nagkwento. Alam mo ba kuya Sergio, matagal kang hinanap ni inay bago pa kami tuluyang pumunta ng Japan, halos lahat ng hirap ay dinanas ni inay upang buhayin lamang kami, tiniis niya ang pagmamalupit ng hapon na kumupkop sa amin, hanggang sa pumunta kami sa Japan, naging alila kaming lahat, mabuti na lang ang kapatid na babae ng hapong nagsamantala kay inay ay ipinagtanggol kami, inilayo kami ng tirahan at nang mamatay ito ay pinamanahan si nanay ng isang maliit na negosyo na ngayon ay isa ng sikat na Restaurant sa Japan. Naluluha si Sergio at sinamahan ang kanyang mga kapatid sa kanyang kwarto, ipinakita niya ang kwadro ng kanyang ina at mga kapatid na kanyang iningatan mula sa kanilang lumang bahay. Tayo ang mag-aalaga kay inay habang nagpapagaling siya, dito muna kayo tumira ha, nagpatawag na ako ng espesyalistang doctor at nurse para masubaybayan ang kalagayan ni inay, tara ipapakita ko sa inyo ang aking laboratoryo, aya ni Sergio. Sa isang malawak na silid ay kapansin pansin ang mga kagamitang pang siyensya ni Sergio at nakakaagaw pansin ang isang malaking rebulto sa gawing kaliwa ng silid.
The Power of Science over Death
Kuya Serg sino yang babaeng yan!?, tanong ni Rizal. Ah, replika yan ng original na rebultong ginawa ni Doctor Jose Rizal, ang tawag dyan ay The Power of Science over Death.

Iyan ang naging inspirasyon ko sa pag-imbento ng mga gamot at iba pang paraan para malunasan ang karamdaman ng mga may sakit, upang madagdagan ang kanilang buhay at nang hindi mauwi agad sa kamatayan.
Kung replika ito kuya siguro ang mahal nito!? at nasaan ang original na rebulto? pag-uusisa ni Rizal Pinasadya ko 'yan sa isang sikat na iskultor dito sa Pilipinas, malaki ang ibinayad ko sa kanya upang maging kamukhang kamukha ng orihinal. Ang orihinal na rebulto ay nasa Rizal Shrine sa Fort Santiago, Intramuros, marami ang bumibisita doon, kaya nang minsang bumisita ako, hindi ako mapakali hanggat hindi ako magkaroon ng kagaya nito. Dumating ang doctor na pinatawag ni Sergio kasama ang nurse, lumabas sa findings na maayos na ang lagay ng kidney ng ina ngunit kasalukuyan siyang walang malay, wala silang masabi kung kailan ito magigising.

Isang umaga habang nag-aalmusal ang magkakapatid ay pasigaw na tumakbo ang nurse at binalitang humihina ang tibok ng puso ng kanilang ina.

Dali dali nila itong pinuntahan at hindi na nila naabutan. Wala na ang kanilang ina.

Pumanaw na si Susana. Namatay na ang Ina ni Sergio.

Nanahimik si Sergio, hindi niya mailabas ang kanyang saloobin, sa matagal na panahong hindi sila nagkita ng ina, bagamat nariyan siya ay hindi niya ito makausap.

Dala ng lungkot na bumalot sa kanyang isipan ay dali dali siyang pumunta sa kanyang laboratoryo at dito ay nagwala, pinaghahagis ang bawat mahawakan hanggang sa ito ay mabasag, nagawi siya sa rebulto at itinulak ito na naging sanhi ng pagkabasag, nakita niya ang isa sa mga bubog nito, kinuha at nilaslas ang kanyang pulso.

Namulat ang mata ni Sergio na kaharap ang pastor na ipinatawag ni Diana. Sergio, kumusta ka na!? tanong ng pastor. Tumango si Sergio at pumatak ang luha, nais niyang magsalita ngunit pinigilan siya ng pastor sa pamamagitan ng pagsenyas dito. Alam mo Sergio nauunawaan ko ang iyong nararamdaman, marami sa atin ang may ganyang pangyayaring nahiwalay tayo sa ating ina at ang pagkakataong makasama siya sa 'di inaasahang pangyayari ay sandali lang at mawawala din. Unang una, hindi kagustuhan ng Diyos na ikaw ay mapasama, hindi nais ng Diyos na wakasan mo ang iyong buhay sa pamamagitan ng iyong sarili, ang pangyayaring ito sa iyong buhay at sa iyong ina ay may kaakibat na paliwanag na tanging ang Diyos lang ang nakakaalam. Hindi na nakapagpigil si Sergio at sumagot na ito, Pastor marami akong pagkukulang kay inay, marami akong mga panahong sinayang para lang makasama siya, para magpasalamat sa kanya, para sabihin sa kanya kung gaano ko siya kamahal, para sabihin ko sa kanya kung gaano akong nagpapasalamat at iniligtas niya ako sa mga kamay ng malupit na hapon, nagsikap ako upang balang araw ay mapasalamatan ko siya, nagpakadalubhasa ako sa siyensya upang kung sakaling magkita kami may pagkakataon akong iharap ang sarili ko sa kanya bilang anak niya, ngunit nawalang saysay ang mga ito pastor, walang saysay, humagulgol siya ng iyak. Sergio, naiintindihan kita, nauunawaan ko ang iyong nararamdaman, tanggapin nating, iyan ang ating tadhana, at naniniwala akong ang iyong ina ay nasa mabuting kalagayan na ngayon, narito pa rin ang iyong mga kapatid, mahalin mo sila kagaya ng pagmamahal mo sa iyong ina. Totoo mahirap tanggapin ngunit kailangan nating magpatuloy sa buhay, kailangan nating tanggapin sa ating sarili na may mga bagay na hindi sakop ng ating pag-iisip at tanging ang Diyos lamang ang may kakayahang komontrol nito. Magpagaling ka Sergio, pakasalan mo si Diana at iparanas mo sa kanya ang pagmamahal upang sa kanyang pagdadalantao at maging isang ina, iparamdam mo sa kanya ang tunay na ligaya na dapat danasin ng isang ina. Kiko:
Ikaw naman na nagbabasa ng kwentong ito, hanggat may pagkakataon at buhay pa ang iyong ina, lapitan mo siya, humingi ka ng tawad sa mga nagawa mong pagkukulang at sabihin mo kung gaano mo siya kamahal, ito na ang panahon, ito na ang tamang pagkakataon, batiin mo siya ng Happy Mothers Day. Dahil ang kagaya ni Sergio ay wala nang pagkakataon para sabihin sa kanilang ina ang mga ito.

Namatay po ang aking ina habang ako ay nasa Doha Qatar, hindi ko na sya naabutang buhay nang ako ay umuwi kinabukasan sa pilipinas.