Tula
Nagkakilalang 'di sinasadya,
Pagtitinginang pag-ibig ang badya;
Sa dalampasigan kataga’t salita,
Nakaguhit pa sa aking gunita.
Nangungusap mong mga mata,
Ramdam nitong aking kaluluwa;
Sa dalampasigan unang nagkasama,
Pagmamahal mong lubos kong nadama.
Halik sa mga labi,
Wari’y alon na sumasagi;
Sa dalampasigang saya’y bumabati,
Sa iyo, lungkot ko’y napapawin.
Kahit alon ika’y wangis,
Buhangin ma’y pilit binibigkis;
Sa dalampasigang kay daming balakid,
Hanging habagat pasakit nga’y hatid.
Ikaw nga’y kinubling maigi,
Sa damdaming naulila’t humihikbi;
Sa dalampasigan paghihimutok sinisiid,
Ninanais hininga ko sana’y napatid.
Kailan ba kabigua’y huhupa?
Sadyang wala yatang pag-asa;
Oh, dalampasigan kong aba!
Kailan ba ika’y muling sisigla?
Pusong ibinabad sa alat,
Nililinlang bakas nitong dagat;
Ngunit dalampasigang marka’y lantad,
Di nga maikubli pangungulilang sagad.
Matuwid ngang guhit-tagpuan,
Hinahalintulad ko dating suyuan;
Aking dalampasigan pilit binabalikan.
Baka ikaw doo’y muling mapadaan.
Kahit habambuhay hihintayin kita,
Pinapangarap kong muling makita;
Kahit sa dalampasigan, sinta,
Sa dalampasigan ng aking gunita.
Rom Salvar is an OFW based in Bandar, Brunei Darussalam, he is an artist who loves music like sugar on his coffee. He loves surfing the net and interested in History, Religions, Music, other culture and COMEDY aside from ART. Friendly person and can admires a simple masterpiece in a second.