Tula: Hawlang Bakal ng Pagmamahal

Tula

Marami ang sumubok na magmahal,
Marami ang puso ay isinugal;

Sila na sa Diyos ay nagdarasal,
Dumating nawa sa akin ang Tunay na magmamahal.

Ngunit ang iba ay nabigla,
Ang Pag-ibig ay madaling nakuha;

Sasabihing hindi sinasadyang,
Umibig ako sa iyong magandang mukha.

Ang iba naman'y patuloy na nag-aantay,
Tila walang katapusang nakaantabay;

Dahil naniniwalang ang Pag-ibig na tunay,
Sa Matiyagang Puso ay ibinibigay.

Sa panahon ng pagmamahalan,
Marami ang sadyang nabubulagan;

Minsan pa ay sinasadya na lamang,
Na kunwari ay hindi naggagamitan.

Umibig dahil gustong makaranas,
Nagmahal upang makaramdam ng pag-ibig na wagas;

Kahit hindi alam ang patutunguhan,
Patuloy na naniniwalang maliwanag ang kinabukasan.

Bakit nga ba Mahal kita?
Tanong ng bawat isa;

Tibok ng puso hindi maikaila,
'Pagkat tunay na umiibig nang kusa.

Kulungin mo ako ngayon aking inuusal,
Sa Hawlang Bakal ng Pagmamahal;

Yakapin mo ako nang matagal na matagal,
Higpitan at huwag pakakawalan.

Ang aking pisngi'y palibutan ng halik,
Hanggang sa lambingan'y mauwi sa pagtatalik;

Upang patuloy na manumbalik,
Pagmamahalan nating nakakasabik.

Ikulong mo ako sa iyong mga mata,
Hayaang manatili sa iyo ang aking ganda;

Upang sa iyong diwa ay hindi mabura,
Na ako lamang ang mahal mo sa tuwi-tuwina.

Ikulong mo ako sa iyong mga ngiti,
Upang sa diwa ko ay mananatili;

Kagandahang hindi ikinukubli,
Kitang kita ang ligaya sa iyong mga pisngi.

Ang aking puso'y hawakan nang mahigpit,
Huwag hayaang maghanap ng kapalit;

Nais ko'y ikaw lamang ang gumamit,
Sa bawat tibok, sa bawat saglit.

Ikulong mo ako sa iyong mga luha,
Na nagmumula sa walang tigil mong tawa;

Sa kakulitan kong hindi ka nagsasawa,
Kulitang inaabot hanggang umaga.

Ikulong mo ako sa iyong alaala,
Sa bawat sandaling ipipikit ang iyong mga mata;

Maamo kong mukha ang iyong makikita,
At patuloy na nagwiwika…

Mahal na Mahal kita ♥