Wag na Nating Ibalik

Labing –siyam na taon na ang nagdaan,
Ngayon bigla kang nagpaparamdam;

Kung kailan ang puso ko’y hindi na sugatan,
Sa alaala ng ating nakaraan.

Masakit na ako’y bigla mong tinalikuran,
Ayon sa 'yo’y ipinagpalit sa iyong larangan;

Nang hindi mo man lang sa akin ipinaalam,
Bigla ka na lang naglaho na parang buwan.

Halos mawala na ako sa katinuan,
Iniisip kung ano ang nagawang kasalanan;

Anong dahilan at ako ay tinalikdan,
Gusto ng sumuko ng aking katawan.

Lumipas ang maraming taon,
Unti-unti kong  nalimot at naibaon;

Sa tulong na din ng Panginoon,
Natangay ang sakit sa agos ng alon.

Ngunit bakit ngayo’y bigla kang nagbalik,
Pag-ibig mo sa akin ay isinisiksik;

Kung kailan ang puso ko ay hindi na nasasabik,
Sa isipan ko ay tuluyan ka ng tumalsik!

Maari bang huwag ng ibalik ang nakaraan?
Dahil ako ay nangangambang muling masaktan;

Kahit sa mata mo ay may kalungkutan,
May takot akong muli kang pagbigyan.

May pag-ibig man akong nararamdaman,
Nangingibabaw man sa akin ang panghihinayang;

Pipiliin kong  huwag ng ibalik ang nakaraan,
Dahil may isang tao ng masasaktan.

Masakit man ito sa aking puso at isipan,
Kakalimutan ko na ang nakaraan;

Haharapin ang panibagong kapalaran,
Sayang…sana maaga kang nagparamdam.

Nuong puso ko’y wala pang ibang laman…