Tula
Nasaan na ang iyong pagmamahal?
Bakit tila hindi ko maramdaman;
Ilang gabing pinagpupuyatan,
Tanging laman ng aking isipan.
May pag-asa pa bang,
Muli kong maramdaman?
Ngayong napakalayo na,
Ng iyong puso at isipan.
Paggising sa umaga,
Mayroong mga patak ng luha;
Na bumabakat sa aking punda,
Maski sa pangarap ay iniiyakan kita.
Ngayon ako ay matatag na,
Dulot na rin siguro ng pangungulila;
Handa nang kalimutan ka,
Paalam na lang ang masasabi pa.
Oo mayroon akong pagkukulang,
Mayroon din akong kasalanan;
Ngunit aking napabayaan,
Pag-ibig na nauwi sa tampuhan...
Hanggang sa hiwalayan,
Huwag mo sana akong sisihin;
'pagkat ikaw'y may pagkukulang din,
Binigo mo itong damdamin,
At pinaramdam na kaya mo akong limutin.
Minsan minahal kita,
At hindi na mawawala pa;
Ngunit puso ko'y mayroon nang nag-aalaga,
Nang higit pa sa iyong inaakala.
Handa siyang ako'y mahalin,
Paglingkuran at unawain;
Dalisay na pag-ibig ang alay sa akin,
Hindi ko kayang balewalain.
Alam kong iyong maiintindihan,
Ako man'y mayroong pangangailangan;
Pagmamahal na tunay at lubusan,
Na iyong ipinagkait mula una pa man.
Kung sakaling tayo'y magkitang muli,
Tandaan mong pagmamahal ko'y nananatili;
At kahit sa isang sandali,
Yayakapin kita at hahalikan sa pisngi.