Tula
Umusbong ang diwa ng malayang balana,
nang minsang mapadpad sa lubak ng pag-asa;
Kariktang halimuyak ng sayang nasa,
Agos ng pagsintang nais manalasa.
Kagyat na hatid ng pang-aalipusta,
Kapagdaka'y tinuran ang layong mag-isa;
Manapa'y ilaw sa bawat plorera,
Nagsilbing liwanag sa kabahayang aba.
Tagos ng isip ang nais ipahiwatig,
nitong makatang humahabi ng titik;
Pilantik ng kaba ang syang nangunguna,
sa bawat salita ng kanyang parirala.
Iinog na rin ang mundo ng sining,
na kanyang pinangarap mula pagkagising;
Sa layong nasang nais iparating,
nilukob ng kabang may kasamang iling.
Sa iyo Gat Andres Bonifacio,
na minsang naging makata sa ibabaw ng mundo;
Hindi man maarok ng lubusan ang mga sinulat mo,
Asahan mong nasa iyo ang aking respeto.
Hinabi sa loob ng karwa bus papuntang trabaho ngayong Nobyembre 30, 2013 7:25am habang nakatingin sa mahamog na daan sa bintana.