Tula
Nang ang ulap ay bumaba sa lupa,
Naging hamog na ating inaakala;
Halik na may kasamang luha,
Pagmamahal ng Diyos na may pagpapala.
Habang naglalakad sa mahamog na daan,
Muling nagbabalik alaala ng nakaraan;
Ang diwa tila nasilaw sa kalabuan,
Ng hamog na aking nilalakaran.
At ang isip ay hinayaang,
Pagbigyan ang nararamdaman;
May takot man sa patutunguhan,
Susulong pa rin 'pagkat ito'y kailangan.
Habang ginaw sa balat ay nanunuot,
Patuloy ang hakbang upang makapasok;
Pagsisikap na pamana ni ama,
Nananatili sa aking alaala.
Nais mang mata ay ipikit,
Upang liwanag ay may kapalit;
Kapayapaang hinahanap nang pilit,
Hanggang sa kalamnan ay manginig.
Kalayaan sa sariling kulungan,
Sa isip tila isang kabaliwan;
Ang pigilan ang nararamdaman,
Isang malaking kalokohan.
Tutulungan kita sabi ng tinig,
Manalig ka at sa Akin ay makinig;
Sa iyo ay may nakalaang kapalarang,
Matagal ko nang pinaghandaan.
Hamog man ay parating nariyan,
Patuloy ka lang sa iyong nilalakaran;
Lukso ng damdamin ay minsang pagbigyan,
Ngunit iyong kapalaran ay may magandang katapusan.