Kailan Kita Maaangkin?

Limang buwan ang nakaraan nang tayo'y huling magniig,
Hinding-hindi ko malilimutan ang aking sobrang kilig;

Kaya itong damdamin ay tunay na sa iyo'y naantig,
At itong puso ko sa iyo ay nagsimulang umibig.

Sa aking isipan ay gumawa ng mga tamang paraan,
Mga pinaplanong gawin kung paano, kailan at saan;

Pa'no ka maaangkin na hindi kailangang magtanan,
Diskarte na matino na hindi katulad ng iba dyan.

Sa 'king pagsasaliksik ito ang totoong natuklasan,
Talagang hindi pala kita maaangkin kailanman;

Magiging parte lamang ako ng iyong kasalukuyan,
Parte lamang ng 'yong tunay at totoong kaligayahan.

Nararapat kong unawain muna ang 'yong kalagayan,
Parte lang ako sa puso mo at 'yan ang katotohanan;

Hindi ko kayang punuin yan ng ating pagmamahalan,
Dahil nandyan din ang nanay, lola, utol at kaibigan.

Kailan nga ba kita maaangkin, hibang kong isipin,
Ang katotohanang hinding-hindi nga kita maaangkin;

Dahil iisa ang puso mong kailangang magmahal din,
Sa iyong mahal na tatay, lolo, tita at mga pamangkin.

At kung ako man sa ngayon ay pagbibigyan mong mahalin,
Pangako kong hinding-hindi kita lubusang aangkinin;

Oras ko sa 'yo ay talaga namang aking susulitin,
Dahil alam kong may oras ka rin sa dapat mong mahalin.

Isang kahibangan ang paniwala ng nakararami,
Unahin nga raw muna ang mahal bago raw ang sarili;

Ngunit 'bat kapag naghiwalay ay magsisisi sa huli,
Hindi man lang nagtira ng kaunti para sa sarili.

Ang relasyon na papasukin ay hindi pangkaraniwan,
May kaakibat itong desisyon na dapat pag-isipan;

Ibang ugali, ibang kinagisnan at kinalakihan,
Pati na rin pamilya nyang siya ay pinaliligiran.

Ang pagmamahal nga ay tunay na malalim na salita,
At hindi kayang arukin ang tunay at totoong diwa;

Ang sundin nga raw ang pusong siya raw nga ang nagdidikta,
Limutin ang katalinuhan at sabihang isang tanga.

Ngunit huwag na ang talino'y basta na lang isangtabi,
Gamitin itong sandigan sa desisyong nakabubuti;

Hindi nga ba't maganda ang matalinong may pagtitimpi?
Kaysa sa bugso ng damdaming pagsisisihan sa huli.

Wagas na pag-ibig ay tunay at hindi makasarili,
Pusong maunawain at handang palaging umintindi;

Asahan mo na ang pagmamahalan ay katangi-tangi,
Sobrang nakakikilig at talagang ngang nakaiihi. 😀

Ang tulang inyong nabasa ay may labing-isang(11) saknong, may labimpitong(17) pantig kada taludtod at mayroong tatlong daan at limampu't isang(351) salita.
ows, hahaha binilang talaga eh.
Itong tula ay para sa mga naging magkasintahan sa panahon ng Pandemic Covid-19 na biglaang nagdesisyon sa kanilang pinasok na relasyon, nawa'y maging gabay ito para sa kanila.