Higantí

Tula

Wala kang karapatang lumigaya,
Ngitngit ng isip mula pagkabata;
Tanong mula sa kawalan,
Bakit mo kami iniwanan?
Kami'y ipinagpalit sa babaeng bayaran.

Kaligayahang akala'y pwedeng bilhin,
Panandalian ba o isang taimtim,
Upang malunasan ang hinagpis ng damdamin;
Mula sa nakaraang suliranin.

Kahit anong gawin para ikaw ay abutin at magparamdam,
Kasalanan ko'y walang kapatawaran;
Dadalhin na lang sa kamatayan,
Kalungkutang ngayon'y nararanasan,
Malinaw bang ganti sa mga pagkukulang?

Sino nga ba ang makapagpapaliwanag ng guhit ng palad?
Anak mong inaruga at inalagaan,
Sa pagsalin ng panahon at mga pangyayari'y,
Hindi maipaliwanag sa iyong sarili bakit ka kinasusuklaman?

Higanti ba nila sa nagawa mong kasalanan?
Kaligayahan at kalayaang minsan mong inasam, habambuhay na walang kapatawaran.

Higanti ng kabataan'y hindi maintindihan.
Panlilisik ng mata'y pailalim ang tinginan.
Bunga ba ng kapaligirang kinagisnan?
O dahil sa nilasong isipan na gawa ng mapanirang kaisipan.

Patuloy ang buhay at takbo ng panahon,
Hikbi at galit ng pusong may puot,
Paghihiganti nga ba ang laman ng isipan?
O sadyang hindi inaasahan,
Pusong wala nang mailabas na pagmamahal,
Na tanging galit ang nilalaman.

Sa paglipas ng panahon,
Aking napatunayan;
Kung ano ang tinanim, ang syang aanihin,
Hindi man ngayon ang pangyayari;
ngunit asahang may panahon ng higantí.

notesnikiko.com Tula