Tula
Angkin mong kabutihan,
Hindi mapapantayan;
Liwanag na mula sa itaas,
Repleksyon ng biyayang walang wakas.
Kaybuti mo aking sinta,
Sinasambit ng puso ko sa tuwina;
Aninag sa iyong mga mata,
Walang kapantay na pagpapalang mula sa Kanya.
Kaya't sa tuwing ikaw'y titingala,
Pagpapala'y bumubuhos na bigla;
Akin namang damang dama,
Ang ligayang hatid ng 'yong maamong mukha.
Hinahangaan kita,
Kaybuti mo talaga;
Kagandahang doble kara,
Busilak na puso at magandang mukha.
Salamat sa Diyos ang aking dalangin,
Nang makilala ka at ikaw'y maging akin;
Isang pagpapalang walang maihahambing,
Kayamanan ko hanggang sa aking libing.