Tula
Sa pagkakaupo sa may pampang,
Nakatingin sa malayong tanaw ang dalampasigan;
May kung anong hinahagilap sa kawalan,
Pagkurap ng mga mata'y sadyang mabibilang.
Dagling pagyuko'y nakapagbigay ng luwang,
Sa buntong hininga na pumailanglang;
At sa alon naibaling ang tingin,
Saka bibigyang laya ang mga isipin.
Hampas ng alon naman ay binibilang,
Sa kumpas nito'y tila may pag-aalinlangan;
Sa hindi maipaliwanag na nararamdaman,
Isipan ay namulat sa mga katanungan.
Pag-ibig na minsang naranasan,
Ngayon'y nasa bingit ng kamatayan;
Dito nakasalalay ang kahihinatnan,
Ng pagmamahalang pinag-iisipan.
Desisyon na itama nang matuwid,
Mga bagay na sabi ng iba'y nakamamanhid;
Kinikimkim ang kalungkutang hatid,
Ng bawat luhang sa mata'y pinapahid.
At kung pag-ibig man ay ipaglaban,
Ano nga ba ang tanging dahilan?
Ligaya ng puso ba ay mapagbigyan?
O silang nakapaligid na naaapektuhan.
Isang desisyong kailangang pag-isipan,
Ng pusong tunay na nagmamahalan;
Maging dulot man nito'y sakit na mararamdaman,
O habambuhay na kaligayahan.
At sa pagtatakipsilim,
Tubig ng dagat ngayon'y nakatining;
Alon ay wala na ring tinig,
Ibig nyang sabihin'y isip ay pahingahin.
At sa paglakad papalayo,
Mayroong desisyon na nabuo;
Ipaglaban ang nilalaman ng puso,
Anuman ang patutunguhan nito.
Kung magtatagumpay ay ligayang tunay,
Kung mabibigo ay talagang malulumbay;
Ngunit sa buhay ay dapat tandaan…
Ang pag-ibig na ipinaglalaban,
May kinabukasang kahahantungan.