Nag-iisang Pangarap

Maikling Kwento

Isang kilalang architect si Itay sa Dubai, marami na siyang mga nagawang project at naipatayong building dito. Itay:
Anak isang taon na lang at makakatapos ka na rin ng kolehiyo, gusto kong makasama ka dito sa Dubai, gusto kong ipamana sa iyo ang mga natutunan at mga achievements ko.
Ako:
Itay, gusto ko pong magtapat sa inyo, buntis po ngayon si Cecilia at ilang buwan na lang ay manganganak na siya, nagdesisyon po kaming magpakasal at magsama pagkatapos ko ng kolehiyo. Alam ko po 'tay hindi ninyo magugustuhan ito, ngunit hindi na namin ipinaalam sa inyo dahil alam ko po na hindi lang ang pamilya namin ang iyong pinoproblema.
Itay:
Naiintindihan kita anak at mahal na mahal ko kayo ng mama mo, nagpapasalamat ako at patuloy ninyo akong inuunawa sa kalagayan ko. Mahirap malayo sa inyo ng higit sa pitong taon kaya tanging ang pagmamahal ninyo ang patuloy na nagpapatibay sa bawat araw na dumadaan sa pakikipagsapalaran ko dito sa Dubai bilang OFW
Makalipas ang ilang buwan...

Dubai International Airport

Ako:
(sa mobile) Hello, hello 'Tay nasaan na po kayo? Nandito na ako sa Dubai Airport
Gina:
Hello!? Jason?
Ako:
Hello po! Si si tatay po nasaan?
Gina:
Jason, 'wag kang mabibigla ha, nasa ICU si tatay mo ngayon, kahapon sinabi nya sa akin na darating ka na raw dito sa Dubai, antayin mo dyan si Faisal, ang pinadala kong driver, may karatula siyang dala para makilala mo sya, ibinigay ko na rin ang mobile number mo para matawagan ka niya.
Ako:
Ok po, salamat po.
Sa Labas ng ICU room ng hospital na pinagdalhan kay Architect Wilfredo Ako:
Kayo po ba si Gina ang nakausap ko? Ako po si Jason ang anak niya.
Gina:
Ako nga Jason. Ako si Gina ang ikalawang asawa ng tatay mo dito sa Dubai, dalawang taon na kaming nagsasama at parati kang ikinukwento sa akin ng tatay mo.
Ako:
Ano po ba ang nangyari sa kanya Tita Gina?
Gina:
May Lung Cancer ang tatay mo Jason. Mula nang makilala ko ang tatay mo at nalaman ko ang kalagayan niya, hindi ko na siya nilubayan. Ipinagpilitan ko ang sarili ko para mapalapit sa kanya, minahal ko siya hindi dahil naaawa ako sa kanya kundi dahil sa humahanga ako sa katatagan niyang maitaguyod ang pag-aaral mo at alam kong mahal ko siya at gusto ko siyang makasama at paglingkuran sa mga nalalabing araw ng buhay niya.

Sabihin man ng iba na malandi ako, kabit ako, pero hindi ko ikinahihiyang nagmahal ako. Minahal ko ang tatay mo na hindi niya maramdaman sa nanay mo na nasa Pilipinas.
Ako:
Alam ko po ang relasyon ninyo ng tatay ko Tita Gina. Hindi ko man matanggap ngunit nangyari na at may respeto po ako kay tatay. Ang hindi ko po alam ay may Lung Cancer pala si tatay.
Gina:
Ako rin Jason hindi makapaniwala. Sa dalawang taong pagsasama namin hindi ko nakitang nagsisigarilyo sya, hindi sya umiinom ng alak at naglalasing.

Ang problema lang, palagi siyang napupuyat sa mga project niya. Minsan pa walang tulog. Wala na nga siyang kain at tulog, kinabukasan papasok pa rin. Inaaway ko na nga sya na napapabayaan na nya ang sarili nya.

Ngunit isa lang ang parati niyang sinasabi. Ginagawa ko ang mga ito dahil gusto kong matupad ang ISANG PANGARAP ko kay Jason na alam kong susunod sa mga yapak ko, gusto kong maging patuloy na inspirasyon para sa kanya.

Tanggap ko naman Jason na pinipilit akong mahalin ng tatay mo dahil ang nanay mo pa rin ang mahal niya. Pero ano ang magagawa ko? Nandito na ako at paninindigan ko na mahal ko ang tatay mo, inalay ko na ang buhay ko para sa kanya, para makasama siya, para maging katabi niya sa mga nalalabing araw ng buhay niya.
Miss Gina Enriquez?, tawag ng nurse. Gina:
Yes mam?
Nurse:
He's in critical condition now, we are calling the doctor and waiting. You can come inside and talk to him, he maybe listening.
Dali daling pumasok ako sa ICU. Tatay, tatay, alam ko nakikinig ka, nandito na po ako, malapit ko na pong matupad ang ISANG PANGARAP ninyo. Nakahanda po akong tanggapin kung anuman ang plano ng Diyos para sa akin. Handa na rin akong tanggapin kung ano ang mangyayari sa inyo.

Sana hayaan mo akong humingi ng tawad sa inyo itay, alam kong malaki ang pagkukulang namin sa inyo ni inay mula nang malaman naming mayroon ka nang ikalawang asawa dito sa Dubai. Ang pag-ibig at pagmamahal ay napalitan ng galit at hinanakit na bumalot sa amin.

Alam ko 'tay na nagkulang kami ng pagmamahal na hinahanap mo, ngunit hindi pa huli ang lahat para malaman mo kung gaano kita kamahal. Bawat araw ay ipinagdarasal kong makasama ka at balikan ang masasayang panahon noong bata pa ako at ipinapasyal mo ako.

Itay, kahit konting panahon pa. Panginoon kahit sandaling panahon lang, makapiling ko lang muli ang tatay ko.
Unti-unting lumabas ang butil ng luha sa kaliwang mata ni Itay at pumisil ng bahagya sa pagkakahawak ng kamay niya sa akin at unti-unti na siyang nawalan ng hininga. Paalam itay.

Wakas

Minsan may mga kwento ng buhay at relasyon na hinuhusgahan natin kahit hindi tayo mismo ang parte ng buhay nila at kahit na bahagi tayo ng nakaraan nila, mas pinipili nating pintasan, husgahan kaysa unawain at ipakita ang pagmamahal.

ITAY, gago ka man, siraulo, tarantado, lasenggo, mamamatay tao, magnanakaw, manloloko, tatay pa rin kita at may karapatan kang mahalin at unawain.
notesnikiko.com Maikling Kwento