Tula
Siya ay namulat na lamang,
Na may kasiping sa kanyang kanan;
Ang sabi ng kasulatan,
Kinuha daw sa kanyang tadyang.
Sa paglipas ng panahon,
Mula nang sa paraiso sila'y lumisan;
Ang pagmamahal ang naging sandigan,
Ng bawat makasalanang nilalang.
At hanggang sa panahon ngayon,
Pagmamahal ang tanging layon;
Ng pusong nagmula sa kahapon,
Sabik sa pag-ibig na tugon.
Mahal kita ang nasasambit na bigla,
Kahit na kailan lamang nagkakilala;
Sadya nga bang ganyan ang tadhana,
Pintig ng puso'y bumibilis na kaba.
O nabubulag lang talaga,
Sa mga matatamis na salita;
Mula sa bibig ng mambobola,
Kaya't kinikilig itong si dalaga.
Dalaga sa unang tingin,
Dalagang ina kung susuriin;
Madali lang daw landiin,
Ang sabi ng isang taga doon sa amin.
Ilang araw lang ay sinagot na ako,
Sa inbox panay ang i love you;
Mahal na mahal daw talaga ako,
Paanong nangyari 'pagkat wala pang isang linggo?
Sabik nga ba sa pagmamahal?
O sadyang naho homesick lang;
Mayroon namang anak na dapat pagtuunan,
At kailangang mahalin ng lubusan.
At sa social media ipagkakalat,
Ipagsisigawan hanggang sa mamalat;
Pag-ibig na walang patutunguhan,
Ang tanging laman ay puro landian.
Sino nga ba ako para humusga?
Sa laman ng kahon ko lang naman nababasa;
Pag-ibig daw na kabi-kabila,
Mahal kita ang sabi sa dalawa.
Ano nang nangyari sa kabataan ngayon?
Pagmamahalang nagsisimula sa kahon;
Itatagong pilit na may karelasyon,
At magsisiping sa imahinasyon.
Itong si binata ay talagang madadala,
Kapag si dalaga ay nagpakita na;
Ng maselang parteng dapat ikubli sa madla,
Kahihiyang hindi man lang alintana.
Sabik nga ba sa pagmamahal?
O ibang kasabikang walang dangal?
Tanong na dapat na pag-isipan;
Kailangan nga bang sumugal?