Ballpen

Tula

Ikaw ang palaging kaulayaw,
Sa paggawa ng tulang malalim at mababaw;
Kung saan ako nakatanaw,
Hawak ko sa tuwina ay palaging ikaw.

Minsan isang araw,
Salita sa isip ay sumingaw;
Hagilap agad ay ikaw,
Mga talata ng tulang makapupukaw,
Sa babasa na puso ay mapanglaw.

Natutuwa ako kapag gamit ko'y ikaw,
Sa mga daliri ko, ika'y sumasayaw;
Minsan kapag ako'y giniginaw,
Ang mga tinta mo ay hindi malinaw.

Huwag naman sana mundo ko ay magunaw,
Sa lalim ng gabi ito ay pumanaw;
Magiging matatag at hindi bibitaw,
Sa pag-asang bukas sisikat muli ang araw.

Kapag ikaw ay naubos na,
Ako'y pansamantalang mag-iisa;
Hindi na muna gagawa ng tula,
Mambabasa ko sana'y huwag mabigla.

Idadahilan ko'y ubos na iyong tinta.

Sa panahong ako'y nag-iisa,
Tanging ikaw ang palaging kasama;
'Pag gising ko sa umaga,
Ikaw agad ang nakikita.

Mga salitang sa isip nagmula,
Binibigyang buhay ng iyong mga tinta;
Dahil magmula sa simula ng aking katha,
Ikaw'y kapiling ko, katabi sa aking kama.

Nang maubos ang iyong tinta,
Bigla akong natulala;
Panandaliang nanghina,
Pakiramdam ko'y iniwan mo na.

Masakit man sa aking kalooban,
Ako ay gumawa ng paraan;
Upang buhay mo ay madagdagan,
Ngunit kailangan nang talagang palitan.

Nakakita man ako ng iyong kapalit,
Ikaw ay hindi inalis sa aking silid;
Upang ikaw'y hindi mawala sa isip,
Palaging katabi upang 'di mawaglit.

At pag-uwi ko sa aking bansa,
Asahan mong isasama kita;
Ipakikilala sa aking pamilya
Na ikaw ang palaging kasama sa aking pag-iisa.