Fernando Poe Jr. Look-Alike


Wala naman sigurong hindi nakakakilala sa taong ito dahil sa kanyang kasikatan at binansagang King of Philippine Action Movies, at nagkataon na kahit saang anggulo tignan ay magkamukhang magkamukha sila ng tatay ko, sabi nga ng mga tiyahin at pinsan ko, kung nagpahaba lang ng patilya si tatay, baka lalo siyang mapagkamalang si FPJ.

Ngayong araw na ito Agosto 26, ay ika-pitong taong anibersaryo ng kamatayan ng aking ama na si Francisco Reyes Morilao, Sr. September 22, 1938 — August 26, 2003, hindi rin naman sila nagkakalayo ng edad ni FPJ August 20, 1939 — December 14, 2004.

Dalawang beses ko nang nabanggit ang aking ama sa aking mga katha, una sa Buhay Probinsya at sa Huling Tawag ni Itay na parehas na nailathala sa GMANews Online

Napakabuti ng aking ama, tahimik ngunit kung magalit ay siguradong mag-uusap kayo ng halos dalawang oras na sermon at pangaral, siya ang nagturo sa akin ng paggamit ng Abakus at mga lohika sa Matimatika, siya rin ang nagturo sa aking gumamit ng lapis, magpatulis nito at gamitin sa pagguhit (pencil art drawing)

Isa sa nagustuhan ko sa kanyang pag-uugali ay ang pagiging kalmado sa lahat ng bagay, nagkakagulo na ang lahat ng sambahayan, siya naman ay nag-iisip at epektibo ang kanyang reaksyon sa sitwasyon.

Mahilig siyang manood ng PBA at Action Movies, nuong panahong naging Movie Reviewer/ Volunteer siya ng MTRCB, halos lahat ng pelikula ni FPJ from late 1980's at buong 90's ay napanood namin sa sinehan, buti na lang at hindi mahilig mag long sleeves si tatay kaya hindi siya pinagkaguluhan sa sinehan.

Lumaki si tatay sa Catbalogan, Samar bilang mangingisda, (Buhay Probinsya), nakaka inspire ang love story nila ni nanay dahil si nanay ay taga Tuyuman Himamaylan, Negros Occidental naman.

Masasabi kong relihiyosong tao si tatay dahil sa tuwing gabi, palagi siyang nagbabasa ng Bibliya, siya ay naging Lay Minister sa San Roque Parish Church Blumentritt, at naging kasapi ng Knights of Columbus.

Isang hindi ko malilimutang mga bitaw nyang salita ay tulad ng mga sumusunod:

Walang Mahirap sa Marunong

Kayong mga nakikinig at nangangaral ng Salita ng Diyos, sino sa inyo ang nabasa na nang buo ang Bibliya?

Kahit na sila sa iyo ay magbago, dumaan ka man sa malakas na bagyo, hanggang sa dungisan ang iyong pagkatao, panatilihin mo parin ang pag ibig mo
- Ikaw at Ang Pag-ibig mo

Ang tunay na lalim ng pagmamahal ay may pang-unawa
- Tula: Trulab

Kapag nagmahal ka, patuloy mong diligan ng pag-ibig - Bracelet