Panaginip ng Unang Pag-Ibig

Tuwing ikaw ang laman ng aking panaginip,
Binubuhay mo ang aking pananahimik;
Iminumungkahi ang iyong pananabik,
Inaabangan ang aking pagbabalik.

Matagal na kitang kinalimutan,
Dito sa aking puso at isipan;
Ngunit panay ang dalaw mo sa aking higaan,
Maaari bang ako ay iyong lubayan?

Nagkasundo na tayo noon,
Kalimutan ang masamang kahapon;
Pagmamahalang walang kasiguruhan,
Kakaibang pag-ibig na nakahihibang.

Pumayag ka at pumayag din ako,
Wala tayong sambitang niloko;
Naghiwalay ng landas na diretso,
Sa pangalawang pag-ibig ay naging seryoso.

Ngunit nang minsang magkita tayo,
Mga mata natin ay muling nagtagpo;
Bawat kurap ay magkasing ritmo,
Kasabay ng tibok ng ating mga puso.

Ulo ko ay aking iniyuko,
Iniangat naman ng mga kamay mo;
Sa labi ko'y idinikit ang labi mo,
Mga halik na nakalimutan ko.

Diwa ko'y muling nabasâ,
Sa mga halik mong humihingi ng pag-asa;
Patawad tugon ng aking mga mata,
Sa aking pagpikit sana'y mawala ka na.

Mula sa paghalik, yakap mo'y humigpit,
Damhin ang tibok, ng puso kong nagpupumilit;
Kahit na sa sandaling langit,
Pilit mo itong iginigiit.

Ako ay tila isang laruan,
Nang yakapin mo at iduyan;
Nagmistula akong sunud-sunuran,
Sa bawat haplos na iyong magustuhan.

Diwa ko ay nawala nang tuluyan,
Tila pananabik mo ay aking naibsan;
Hanggang sa ako ay iyong ipagtulakan,
Padausdus sa aking higaan.

Pagdilat ko sa kinaumagahan,
Bakas ng halik mo ay tagos sa kaibuturan;
Patak ng luha ko ay pumailanglang,
Panaginip lang pala ang aking naranasan.