Lumang Polo ng Ala-ala

notesnikiko.com Tula

Tula

Tulang ito'y aking ginawa nang minsang ako ay naglaba,

Nakita ko ang polo mong ibinigay,
Regalo sa aking kaarawan…

Paano ako makaaalis sa ala-ala,
Kung pati sa paglalaba ay kasama kita;

Pag-ibig nating minsang pinagbigyan,
Damdamin'y binigyan ng puwang…

Hindi alintana kung sino ang masasaktan,
Tibok ng puso'y inuna sa isipan,
Kung gaano kabilis na ako'y mahalin,

Kasingbilis din nang ako'y iyong limutin,
Nagising sa pagkabaliw,
Iniwan akong patuloy na baliw…

Kailan ba tayo huling nagkita?,
Kailan huling nasilayan ang iyong maamong mukha?

Sa panaginip na lang ba magsasama?,
Na tanging aninag lamang ang aking nakikita…

Kung ako'y iyong tuluyang kinalimutan,
bakit lagi kitang napapanaginipan?

Nais mo bang akoy kausapin?,
Mayroon ka bang gustong hilingin?…

Pantasya ko'y walang kabuluhan,
'Pagkat tunay na pag-ibig sa iyo ay laan;

Kahit na ako ay nahihirapan,
Patuloy kang dumadalaw sa aking higaan…

Kung sakaling itong tula'y iyong mabasa,
At sa panahong ako'y wala na;

Patak ng luha mo'y akin pa ring madarama,
Ala-ala ng pag-ibig natin'y binigyan ko ng halaga,
Kahit na sa isang simpleng tula

Basahin man ito ng iyong mga anak,
Maging ng iyong kabiyak;

Pag-ibig natin na ang dulot ay puro iyak,
Hiling ko lamang sa iyo aking sinta,
Maging masaya ka sa iyong asawa…

Maling pag-ibig natin'y hindi na mauulit pa,
Sapagkat ikaw ay matagal ko nang pinalaya,
Kung ako man ngayon ay nahihirapan,

Alam kong ito'y para sa aking kabutihan,
Nagpakalayo-layo sa iyong harapan,
Upang mundo natin ay magkaroon ng hangganan…

Ngayong ako'y magbabanlaw na,
Alalahanin mo lang sana;

Na hanggang ngayon'y sinusuot ko pa,
Ang polo na binigay sa akin sinta.

Ang tulang inyong nabasa ay kathang-isip lamang
Ngunit maaaring mahawig sa katotohanan,

Ang polo sa ibaba ay bigay sa akin ng isang ka-IBIGan
Noong aking kaarawan mula sa SM Southmall

Wrangler Checkered Polo