Hanggang Kailan Ka Magmamahal

Ang Maikling Kwentong ito ay handog sa inyo
ng PEYK CHOCOLATE.
DON'T JUDGE THE CHOCOLATE BY ITS COVER
TIKMAN BAGO HUSGAHAN

parang kwento ko…
DON'T JUDGE THE STORY BY IT'S TITLE
BASAHIN NANG BUO, PARA SUMAKIT ANG ULO hehehe.


Oh anak, mukhang ginagabi ka yata ng uwi ilang gabi na?, tanong sa akin ni itay.

May konteng problema po kasi kami ng GF ko tay, mas lalo kong dinadagdagan ang oras na makasama ko siya at makausap, tugon ko.

Ah, sige magpahinga ka na, goodnight, paalam ni tatay.

Si tatay hindi talaga mahilig magtanong 'yan hanggat hindi ikukwento sa kanya ang mga nangyayari sa akin, siya 'yung tipo ng tatay na palagi kang iintindihin kahit na alam na alam kong may pagkakamali na ako, pero minsan tinanong ko siya tungkol sa gusto ko nang magka girlfriend mababasa dito ang advice niya, anyway ngayong may GF na ako, natural naman siguro na dumarating sa isang relasyon ang mga pagsubok, hindi ko man sabihin kay tatay ngunit alam kong nararamdaman niya kung ano ang nasa kalooban ko, 'yung tipong may mararamdaman kang sakit sa sulok ng iyong puso sa tuwing makikita mo ang girlfriend mo na may kaharutang lalaki, magdadalawang isip ka tuloy kung mahal ka nga ba nya, o parang napapraning lang ako o nagseselos lang, hays, bukas na bukas kakausapin ko si tatay at tatanungin ko siya tungkol dito.

Kinabukasan

Oh wala ka bang pasok at tanghali na ay nakamukmok ka dyan sa sofa? tanong sa akin ni tatay.

May problema kasi ako tay, may bumabagabag sa akin, si Cheska kasi tay…

Anak, umupo si tatay sa tabi ko, tumayo ka dyan at ipagtimpla mo ako ng paborito kong kape, sabi niya.

Nagpunta ako ng kusina at nagtimpla ng dalawang kape, isa sa kanya at isa sa akin, alam kong inoobserbahan niya ang bawat kilos ko habang naghahanda ako ng inumin namin, matagal ko nang kilala si itay, alam ko kung paano niya ako susukatin sa mga nais kong malaman.

Iniabot ko ang kape kay itay at naupo, humigop siya at nagtanong.

Ano ba ang nanggugulo dyan sa isipan mo anak? tanong ni itay.

Hindi ko alam itay kung nagseselos ako o napapraning lang, madalas ko kasing nakikita si Cheska na nakikipagharutan sa mga kaibigan nyang lalaki, nagugulat na lang siya minsan kapag nananahimik na ako, ewan ko tay hindi ko alam tong nararamdaman ko, paliwanag ko.

Humigop ulit siya ng dalawa bago magsalita.

Anak, natural sa tao na magselos, lalo na kung mahal mo ang isang tao, hindi naman maiimbento ang salitang selos or jealousy kung hindi ito nag eexist, kalokohan lang ng iba na ipagmamalaking wala silang selos sa katawan, mga plastik, pero sa isang relasyon kailangan mong pag-aralan at pag-isipan kung nasa lugar ba ang pagseselos mo, kasi minsan ang pagseselos na wala sa lugar, maraming maaapektuhan, maaaring makasira ka ng relasyong magkaibigan.

Eh anong gagawin ko itay? Kung talagang nagseselos ako? magkasunod na tanong ko.

Anak, sabi mo nakikita mong nakikipagharutan si Cheska sa mga kaibigan niyang lalaki, natural magseselos ka kasi girlfriend mo siya, pero kung malawak ang iyong pag-iisip siguro, dapat alamin mo, baka mas nauna niyang naging kaibigan ang mga kaharutan niya, bago kayo naging magGF? Lumagay ka sa lugar anak, hindi mo dapat pagselosan ang mga lalaking 'yun dahil noong wala ka pa, sila ang nagpapasaya sa girlfriend mo, ang tanungin mo ngayon sa sarili mo bakit, patuloy siyang nakikipagharutan sa kanila samantalang magGF na kayo, siguro hindi siya masaya sa company mo, or talagang mas gusto niyang kasama sila kaysa sa iyo.

Naman tay naiiyak naman ako nyan, sabat ko.

Umayos ka kasi, mas maigi kasi ipadama mo sa kanya kung gaano siya kahalaga sa iyo, maski sa mga simpleng bagay para hindi niya hanapin ito sa mga kaibigan niya.

Ipinapadama ko naman sa kanya itay eh. Ano ang gagawin ko? Hanggang kailan ako magmamahal itay? Hanggang kailan? naitanong ko sa kanya.

Pagkatapos humigop ng dalawa ulit, si tatay ay lumapit sa tabi ko, ipinatong niya ang kanyang kanang kamay sa aking kanang balikat at nagsabi…

Alam mo anak minsan sa buhay ko, may pangyayaring hindi ko malilimutan, noong nag abroad ako sa Saudi anak, maliit ka pa noon, nagkaroon ako ng karelasyon, isang napakagandang babae, at talagang minahal ko.

Talaga 'tay? alam ba ni mama 'yun?

Oo anak, alam naman ni mama mo na lapitin talaga ako ng mga babae, at alam n'yang gwapo talaga ako noon, ang bilin n'ya lang huwag kong lolokohin ang babae, hindi baleng mambabae huwag lang daw manlalaki. Alam n'ya ang tiwala n'ya para sa akin dahil alam n'ya na darating ang araw kami pa rin ang magsasama, kagaya ngayon matatanda na kami, malalaki na kayo pero buo pa rin ang pamilya natin, oo nasaktan din ako pero wala akong magagawa, alam ko rin namang magkakahiwalay kami, dahil uuwi at uuwi rin naman ako dito sa inyo.

Tinanggal ni tatay ang kanyang pag-akbay sa akin at nakita kong yumuko siya, siguro naalala niya ang naging pag-ibig niya noon sa Saudi, nakita kong nagpahid siya ng luha.

Mukhang mahal na mahal mo pa rin siya 'tay, sabi ko.

Tumingin siya sa akin na namumula ang kanyang mga mata.

Oo naman anak, kapag ang isang tao, minahal mo na, hindi mo na kaya itong mabawi, ganyan kahiwaga ang pagmamahal anak, kaya sa tinatanong mo kung hanggang kailan ka magmamahal, ang sagot ko sa iyo hanggang tumitibok ang puso mo, makapangyarihan ang puso, napakaliit na bahagi ng katawan ng tao pero walang hanggan at sukatan ang kakayahan nitong magmahal.

Eh paano 'tay kung hindi ko na kayang tanggapin ang sakit? Paano kung hindi na kayang tumibok ng puso ko para magmahal?

Isa lang ang sagot dyan anak, hindi ka talaga nagmahal, hindi tunay at puro kalokohan lang, dahil kung tunay kang nagmamahal, mas titignan mo ang pagmamahal mo sa kanya kaysa sa sakit na nararamdaman mo, mas bibigyan mo ng pagpapahalaga ang mararamdaman niyang sakit kaysa sa sakit na mararamdaman mo.

Tama ka 'tay, nasabi ko.

Inilapit ko ang aking kamay sa kanyang mga kamay at hinalikan siya sa pisngi.

Alam mo 'tay mahal na mahal kita, dahil ni minsan hindi mo ipinagkait sa akin ang pagmamahal ng isang ama, ni minsan hindi binanggit ni mama sa amin na nagkaroon ka ng ibang pag-ibig sa Saudi dahil hindi ka nagkulang ng pagmamahal sa amin. Naiintindihan ko kung bakit mo kailangang magmahal noon.

Alam mo anak, tao lang ako, hindi ako santo at magpapakaplastik na hindi marunong matukso, nagmahal ako dahil minahal ako, at ako ang taong kapag minahal mo, ay hihigitan ko pa ang pagmamahal na ibinibigay mo sa akin na nakahandang masaktan kung kinakailangan. Maraming pag-ibig ang nauuwi sa hiwalayan dahil hindi nila tunay na nauunawaan ang pagmamahal, dumarating sila sa puntong iniisip ng bawat isa na sila ang nasasaktan, sila ang naaagrabyado, sila ang nalalamangan, at ipagsasabing nagmamahal sila. Kalokohan! Kung nasaan man siya ngayon anak at kung sakaling binabasa niya ito ngayon, alam ko na alam niya na patuloy akong nagmamahal sa kanya, dahil mas pinahahalagahan ko ang pagmamahal ko sa kanya kaysa sa sakit na nararamdaman ko sa aming pagkakalayo.

Salamat 'tay, guminhawa ang pakiramdam ko, ngayon gusto ko lang isipin na mahal ko si Cheska, 'yun at 'yun lang.

Huwag mo lang basta isipin anak, ipadama sa kanya ang tunay at wagas na pagmamahal na dapat maranasan ng isang babaeng minamahal.

Huling tanong itay, tanong ko.

Sige anak, ano 'yun? tugon niya.

May naging anak ka ba liban sa amin? tanong ko na nakatitig sa kanyang mga mata.

Door Bell!

Si mama at ate dumating na galing palengke.

Anak, tumayo ka dyan at pagbuksan mo si mama mo.

Daya mo 'tay hindi mo pa sinasagot ang tanong ko.