Payo ng Pag-Ibig ni Itay | Fathers' Day Special

Anak:
Tatay inlove na po ako, gusto ko nang pumasok sa isang relasyon…

Tatay:
Anak kailangan mo munang malaman ang iba't ibang klase ng pag-ibig, at tamang gamit nito bago ka pumasok sa isang relasyon

Anak:
Bakit naman po?

Tatay:
Ang pakikipagrelasyon anak ay isang responsibilidad, hindi isang laro, kung may mataas kang pagtingin sa pag-ibig, igagalang mo muna ang sarili mo sa pagpasok sa isang relasyon, hindi pabigla bigla

Anak:
Ang dami namang klase ng pag-ibig tay!

Tatay:
May pag-ibig sa Diyos, pag-ibig sa sarili, pag-ibig sa kaibigan, pag-ibig sa magulang, pag-ibig sa kapatid, pag-ibig na walang hinihintay na kapalit, pag-ibig para sa bayan, pag-ibig para sa kalikasan, pag-ibig sa minamahal, kailangan matutunan mong lahat ang paggamit nyan upang sa iyong pagpasok sa isang relasyon, isang matured na nilalang na hindi basta basta matitinag ng kahit na anong bagyo na iyong pagdaraanan

Anak:
Bakit kailangan kong matutunan ang mga yan tay eh samantalang ung babaeng mahal ko lang naman ang aking gagawing karelasyon?

Tatay:
Anak, nasasabi mo yan kasi dyan ka nakatuon sa bago mong nagugustuhan.

Tatay:
Kaming nakapaligid sa iyo, kaming magulang mo, kapatid kaibigan, bayan, kalikasan, bahagi kami na karelasyon mo anak, sa ayaw mo man o sa hindi, parte kami ng buhay mo, nagiging espesyal lang siya kasi ibang pag-ibig ang para sa kanya, pag-ibig na hindi namin kayang ibigay para sa iyo.

Anak:
Para namang ang hirap tuloy makipagrelasyon nyan tay?

Tatay:
Hindi mahirap anak, kung bibigyan mo lang anak ng importansya ang bawat pag-ibig, hindi ito magiging hadlang sa iyong papasuking relasyon kung maingat mong naiayos ang iyong sarili.

Anak:
Ganon!??

Tatay:
Nasasabi mo ngayon yan anak kasi, papasok ka pa lang sa relasyon, pero kung nasa loob ka na ng relasyon at makaranas ka ng mga pagsubok na ang dahilan ay ang mga karelasyon mo sa paligid, mahihirapan ka.

Anak:
Ano daw!?

Tatay:
Sige bibigyan kita ng halimbawa ha, kaming magulang mo sana ay hindi mo bawasan ng oras upang kami ay makausap at makasabay kumain, alalahanin mo ang pag-ibig mo sa magulang mo, ang iyong mga kapatid, baka dahil may gf ka na, hindi na kayo maglalaro ng basketball ng mga kapatid mo, pag-ibig sa kapatid, nagkaroon ka lang ng gf, hindi ka na lumalabas kasama ang mga kaibigan mo, natuto ka nang maging makalat at hindi magmahal ng kalikasan nagka GF ka lang, at lalong nakalimutan mo ng magsimba at kinalimutan ang pag-ibig mo sa Diyos

Anak:
Hindi mangyayari yan tay.

Tatay:
Oo hindi mangyayari, may tiwala ako sa iyo, ngunit kailangan mo ang gabay ng isang tatay na katulad ko upang maging isang epektibong relasyon ang papasukin mo at hindi mawalan ng saysay ang pag-ibig na iyong iaalay sa babaeng iibigin mo

Anak:
eh paano tay kung dumating sa puntong magkasawaan kami sa isa't isa, diba darating naman yun??

Tatay:
Anak, ikaw ang tatanungin ko, kailan mo nakitang nagsawa ng pagmamahal ang nanay mo sa akin? Kailan mo nakitang nagreklamo siya sa pagmamahal ko?

Anak:
Hindi po, wala akong natatandaan, oo nga ano ba ang sekreto tay?

Tatay:
Ito ang sekretong malupit! Ang babaeng iibigin mo, kahit na kayo ay mag-on na, panatilihin mo pa ring nanliligaw ka sa kanya, huwag na huwag kang aalis sa level ng emosyon mo noong nanliligaw ka, ung excitement mong makita at makausap siya, ung feeling na hindi ka makatulog, hindi ka makakain, taghiyawat sa ilong pati na sa pisngi, ahaha.

Anak:
Kanta yan tay eh

Tatay:
Alisin mo ang mentalidad ng ibang lalaki na kapag nakuha na nila, naging gf na nila ang isang babae eh wala lang, proud lang, dito na nagtatapos ang kabanata, kaya napupunta sa hiwalayan, tsk tsk.

Anak:
Eh pano tay kung may pumuporma sa gf ko? Anong gagawin ko?

Tatay:
Simple lang gagawin 'nak, huwag kang gumawa ng dahilan para may hanapin siyang pagkukulang mo sa iba, kung sa palagay mo ay may pagkukulang ka sa pag-ibig sa kanya, kausapin mo siya agad, hingin ang kanyang suggestion para ma improve mo at maibigay mo sa kanya, in that way, wala siyang way na maghanap pa sa iba, kahit sangkaterba pa yang pumuporma sa kanya kung nasa iyo naman ang lahat ng hinahanap nya sa isang lalaki, ikaw tatanungin ko, palagay mo ba maghahanap pa siya ng mas hihigit sayo?

Anak:
Oo nga, eh pano kung…

Tatay:
Walang pano pano, sinabi ko sa'yo wala namang perpektong tao, kaya nga ang pagkukulang mo, hingin mo kung ano ang gusto niya para mapunuan mo ang pagkukulang mo, dahil sa ganoong bagay, lalong mapapalapit ang loob niya sa iyo, nag-iisip din naman ang mga babae noh, kung nakikita at nararamdaman nila na may pagpupursige ka para sa ikauunlad ng iyong sarili para sa kanya, alangan namang hindi niya ito bigyang pansin.

Anak:
Pano gagawin ko tay kung dumating kami sa puntong mag-init kami sa paghahalikan at magkaroon ng contact.

Tatay:
Naku anak, tumayo ka dyan, lipat tayo doon sa kwarto at tuturuan kita, wag na dito at maraming nagbabasa, baka gayahin pa nila pati ako madamay.


Wakas.

Maligayang Araw ng mga Ama!
Kung naging gabay lang sana si itay
Wala sanang mga relasyong naghihiwalay…