Kaibigan Kailangan Kita

Maikling Kwento

Ang tagal tagal kong nakayuko habang tinatapos ang pagsisintas ng aking sapatos, siguro nga hanggang ngayon hindi ko pa rin alam kung saan ako pupunta sa araw na ito. Tumingala ako at tumayo, inilagay ang magkabila kong kamay sa magkabilang bulsa ng aking maong na pantalon at unti-unting humakbang papalayo, papunta sa sakayan ng Bus.

Kaninang umaga paggising ko, plano ko nang maglakad lakad sa may kahabaan ng Emerald Avenue sa Ortigas, papunta sa dati kong trabaho sa Strata 100. Halos apat na taon na rin akong hindi nakakapunta, nakakadalaw man lang sa mga naging kasamahan ko dito…

Hindi ko namalayan, nasa loob na ako ng bus na bumabagtas sa kahabaan ng Edsa, kung hindi pa ako tinabihan ni kuya sa upuan ng bus, hindi pa ako magkakaroon ng malay na kanina pa pala ako nakatitig sa kawalan habang nakadungaw ako sa clear window ng aircon bus…

Hindi ko alam hanggang ngayon, kung ano ang nararamdaman ko, na dapat excited ako na muli kong makikita ang mga kaibigan ko dati, ang mga kakulitan ko, mga kaututang dila, kasabayang kumain sa ilalim ng Wynsum Corporate Plaza, at kapag overtime naman sa Binalot sa tapat ng Greenwich Pizza… minsan pa kapag out-of-budget ang overtime mag tatyaga sa 39ners ng Jollibee sa may B.P.I.

Huminto ang bus sa may tapat ng POEA sa Edsa… parang may kung anong magic na para bang nagflash back sa akin ang mga panahong kumukuha ako ng O.E.C. dito para sa balik manggagawa pabalik sa bansang Qatar, dalawang taon na pala ang nakalipas, pero ganoon pa rin ang eksena sa may labas ng POEA, marami pa ring mga tambay sa gilid, nagbebenta ng ballpen, nag-aalok ng kung anu-anong loan, pati na passport wallet at iba pa.

Naalala ko ang mga panahong nasa bansang Qatar ako, mga nakilala kong kaibigan, kasamahan sa trabaho, mga naging barkada at mga nakasama sa galaan, kulitan, at kung anu-ano pa. Nasaan na kaya sila ngayon, naitanong ko sa aking isip, makalipas ng dalawang taong pagbabalik ko dito sa pinas, wala nang kumunikasyon, wala na ang facebook, at iba pang social media, marami na ang nanahimik.

Parang ako, matagal ding nagmukmok sa aking sarili, matagal na nag-alis ng sakit na nararamdaman ng kalooban, kaya kahit ngayon, medyo magulo pa rin ang aking isip, ay nagdesisyon akong umalis ng bahay at makipagkita sa mga kaibigan ko noon.

Tatlo na sa kanila ang tinawagan ko ngunit puro hindi na 'yun ang kanilang mobile number, susubukan ko pa ring magbakasakali na magpunta doon at makita ko sila, maka-usap, kahit papaano mapagkwentuhan namin ulit ang mga kalokohan namin noon.

Huminto ulit ang bus sa may tapat ng Mister Donut sa Crossings, nakalampas na pala ako sa dapat kong babaan kanina sa kakaisip ng mga bagay na gusto kong alalahanin.

Bumaba ako ng bus, naglakad papuntang Crossings, nakita ko pa si kuya, na palagi kong binibilhan ng taho sa madaling araw kapag nag oovertime ako noon. Binagtas ko ang kahabaan ng daan papuntang Mega Mall, ang daan na palagi kong nilalakaran noong pumapasok pa ako, natatandaan ko pang eksaktong eksakto ang oras at hakbang ko para umabot ako sa oras ng pagpasok ko noon.

Masyado nang mahaba ang nalakad ko at kumalas ulit ang sintas ng sapatos ko kaya yumuko ako para ayusin ulit ito, sa pagtayo ko nakita ko si ate, oo si ate nga ang napakagandang dalaga na palagi kong nasasalubong sa tuwing papasok ako, kagaya pa rin ng dati, magpapalitan lang kami ng ngiti, habang siya ay hinahagod ang tingin sa aking katawan na parang may pagnanasa, hahaha, napangiti na lang ako habang papalayo sa kanya, halos anim na taon na 'yun, parang wala bang nagbago sa itsura ko at ganoon pa rin tumingin si ate, natanong ko sa sarili, o baka naisip nya lang na nakita na nya ako dati hindi nya lang matandaan kong saan at kailan, medyo matagal na nga kasi, pero ang lugar at mga taong nasa paligid ng aking dinadaanan ay ganoon pa rin, at halos sila pa rin.

Napadaan din ako sa may gilid ng St. Francis Square, at nandoon pa rin ang Hong Kong Style Noodle na kinaaadikan ko sa tuwing uuwi ako, nagbago na ang mga nagtitinda pero, ganoon pa rin, marami pa ring bumibili.

Tanaw ko na ang building, malapit na ako sa dati kong trabaho, lumalakas ang kaba ng dibdib ko habang papalapit.

Pinasok ko na ang building, Strata 100, sa entrance na may Mc Donalds sa gilid, tinungo ko ang elevator at pumindot ng 18, hahaha, naalala ko itong building na ito, kakaiba nga talaga kasi mayroong 13th floor at kailangang pindutin mo ang floor na pupuntahan mo sa labas bago ka sumakay dahil sa loob ay walang numeric keypad para ka pumili ng floor na pupuntahan mo, weird masyado, kaya kapag nagtrip kang pindutin ang 13, at nagtrip kang sumakay sa elevator, sa 13th floor ka talaga pupunta.

Bumukas ang elevator sa D, sumakay ako, naalala ko, ilang beses ko ring nakasakay dito sa elevator na ito ang mga kilalang showbiz personality, kagaya nina RJ Ledesma, ang Editor-in-Chief ko noong hawak ko pa ang magazine na MANUAL, pati na rin si Jon Santos, at syempre si Chris Tiu, na brother ni Ma'am Cheryl Tiu at anak ng Chairman namin na si Sir Jerry Tiu.

Bumukas ang elevator…


Welcome Back Francis!

'yan ang nakalagay sa malaking karatula na bumungad sa akin pagkabukas ng elevator sa 18th floor ng Strata 100, para bang nasurpresa ako sa aking nakita pero parang wala namang epekto sa akin, wala naman akong sinabihan na pupunta ako, at hindi naman ako nagsend ng CV para mag-apply ulit sa Mega, natinag na lang ako sa aking pagkakatayo nang unti-unting sumasara ang pinto ng elevator, hindi na ako lumabas, nagdesisyon akong huwag nang tumuloy, tulala pa rin akong sakay ng elevator habang ramdam kong bumababa ito, huminto ang elevator sa 4th Floor kung saan ito ang tambayan ng Mega Scan boys after office, at kahit lunchtime or breaktime, tig-isang softdrinks at yosi habang dudungaw sa terrace ng 4th Floor.

Lumabas ako at nagbakasakaling puntahan ang tambayan, kaunting lakad lang naman mula sa pinto ng elevator, nakita ko si kuya, ayun, kinamusta ako.

Kelan ka pa umuwi kiko? tanong ni kuya sa akin. Matagal na kuya, almost a year na, medyo ngayon lang ako nakaluwag at napadalaw dito, isang coke nga, tugon ko. Yosi?, tanong nya. Umiling ako. Matagal na akong huminto kuya, sa Qatar pa lang nag stop na ako, mas ginanahan akong magJogging doon kuya, sagot ko.

Iniabot nya ang coke kasabay ng pag-abot ko ng bayad. Umupo ako sa paborito kong pwesto. Higop ng coke mula sa straw at parang tubig lang na naubos ng madalian. Tumayo ako at sumilip sa ibaba mula sa terrace, hanggang sa tanawin ko ang Park sa may gawing kanan.

Naisip kong maupo doon sa park. Inilagay ko ang basyong bote ng coke, sa may case sa gilid at nagpaalam na kay kuya.

Nakababa na rin agad ako sa ground floor at tinungo ko ang south entrance, sa may Goodah!! at nagpunta sa Mini Park, humanap ng mauupuan at swerte namang may eksaktong tapat sa magandang view.

Wala nga pala akong memories dito sa park dahil sa 2 taon ko noon sa Mega ay ni minsan ay hindi ako naupo kahit sa isa sa mga upuan dito, halos daanan lang talaga ang memories ko dito, kaya kahit anong isipin ko ay wala talaga.

Nag-Ring ang cellphone ko. Kinuha ko mula sa aking bulsa at sinagot ko ang tawag.

Yun naman ang pagbalikwas ko sa aking higaan.

Alarm Clock pala.

Umaga na ulit dito sa Doha Qatar.

Panaginip lang pala.

Naalala ko na, nag-email pala ako kay BFF at nagsumbong ng mga sama ng loob ko sa mga "friends" ko dito. Naiwanan ko palang bukas ang laptop ko at nasa sent message na ang email ko.

Naupo ako at saglit na nagmuni-muni. May mga kaibigan pa pala ako sa atin sa Pinas, sila na mas matagal kong nakasama, kahit na walang pera, basta tulungan at sama-sama.

Iba pa rin ang tunay na kaibigan sa atin sa Pinas, maaaring magkaroon man tayo ng kaibigan dito sa Qatar o kaya kahit saang panig ng mundo, iba pa rin ang level ng pagkakaibigan sa atin. 'yung mula pagkabata, kaibigan sa eskwela, kaibigan sa kinagisnang bahay.

Minsan dumarating tayo sa puntong hinahanap natin ang mga kaibigan natin sa Pinas para paghingahan lang ng kinikimkim, 'yung kilala mong makikinig lang ng mga gusto mong sabihin, hanggang sa murahin ka kung mali ka, batukan ka tadyakan dahil maiinis sa mga kwento mo.

Minsan kailangan talaga natin ang kaibigan sa mga panahong...

Haysss... Kailan kaya makakapag-online si BFF?

Wakas

Salamat po sa inyong pagsubaybay sa aking mga kwento! Mabuhay po Kayo!

notesnikiko.com Maikling Kwento