Tula
BINAGYO SI SUGAR
Sumasagi sa aking isipan,
Unang okasyon na pinagsamahan;
Ikaw ay laging nasa kandungan,
Hindi mabitaw-bitawan.
Mahabang panahon din,
Na ikaw ang siyang kapiling;
Kahit saan makarating,
Ikaw ang aking hinihiling.
Pagtulog sa gabi’y kayakap ka,
Sa hita ko minsa’y nakasiksik pa;
Buong magdamag na katabi ka,
Wala na akong mahihiling pa.
Dumating ang isang pangyayari,
Puso ko’y mayroong nagmay-ari;
Hindi ko sukat na mawari,
Biglang ikaw ay kanyang inari.
Ipinagkatiwala ka nang lubusan,
Hindi ko rin naman inaasahan;
Na mangyayari sa iyo ang ganyan,
Gutay-gutay ng ika’y datnan.
Ikaw daw ay napagtripan,
Dahil ikaw ay napag-isipan;
Huli na nang aking malaman,
Wala na akong nagawang paraan.
Luha ko’y biglang pumatak,
Pawis may tumatagaktak;
"Sugar" man ay 'sangkatutak,
Dito sa puso ko’y ikaw lang ang nakatatak.
BAWAT PATAK NG ULAN
Natatandaan ko nung ako’y bata pa,
Mga magulang ko’y laging nakaalalay na;
Mukha ko nuon'y hindi maipinta,
Dahil sa kanila’y nakukulitan na.
Bawal yan, huwag gawin yan,
Hindi tama yan, huwag ganyan;
Sa tenga ko’y paulit-ulit yan,
Kaya minsan sila’y nilalayasan.
Laki sa layaw ako sa kanila,
Bawat naisin ko’y binibigay nila;
Kahit ang iba ay hindi nila kaya,
Pinipilit para ako’y sumaya.
Wala sa planong ako’y nag-asawa,
Damdamin nila’y hindi ko alintana;
Sakit na dulot sa kanila’y binalewala,
Sa magulang ay hindi man lang naawa.
Sa una’y naging maayos ang lahat,
Hanggang sa bigla na lang sumambulat;
Sa akin siya’y hindi naging tapat,
Nagdesisyon ako ng nararapat.
Pagkatapos, naalala ko na ngayon,
Kaya pala hindi sila sang-ayon;
Dahil mali ang aking desisyon,
Ako daw ay kanilang obligasyon.
Aking binalikan ang nakaraan,
Araw na sila’y aking iniwanan;
Mga mahal sa buhay ay luhaan,
Lungkot ngayon'y aking nararamdaman.
Bawat patak ng ulan,
Naaalala kong sila’y aking nasaktan;
Luha ko’y hindi na rin mapigilan
Bawat patak ng ulan, ganon ko sila nasasaktan.
HAMPAS NG ULAN
Nakasabay ng hampas ng ulan,
Minsan sa buhay ay kabiguan;
Mga pagsubok na pinagdaanan,
Wala na nga bang katapusan?
Sabi nila, maging matatag,
Sa araw-araw'y maging panatag;
Problema man sa 'yo’y ilatag,
Hinding hindi ka dapat mabagabag.
Hampas ng ulan ay walang humpay,
Tulad ng pagsubok na ibinigay;
Dalangin ay maging matibay,
Upang magpatuloy ang aking buhay.
Ang sugat sa akin ng nakaraan,
Nakatatak pa rin dito sa isipan;
Hinding-hindi makakalimutan,
Maging hanggang sa kamatayan.
ULAN! ULAN! IKAW DAW AY LUMISAN
Noon madalas nating marinig,
Mga salitang galing sa munting bibig;
Tila minsan sila’y maligalig,
Dahil sa patak na parang nagdidilig.
Mga bata sa lansangan,
Nais lagi’y may mapaglibangan;
Ngunit problema kapag umuulan,
Hindi sila makapaghahabulan.
Takot sila sa madulas na daan,
Baka sila daw ay mapilayan;
Sa pagtakbo’y 'di maalalayan,
Lagot sa tatay na may dalang kawayan.
Panalangin nila ulan ay lumisan,
Nang lungkot nila minsan ay maibsan;
Subalit hindi nila nalalaman,
Ang ligayang dulot sa atin ng ulan.
Minsan kapag umuulan,
Napapatingin sa kawalan;
Problema’y nakakalimutan,
Dahil sa walang patid na buhos ng ulan.