Makakalimutan mo rin

Ngiting ang ganda sa pisngi,
Liwanag sa mapulang labi;
Lukso ng dibdib na hindi maitatanggi,
Sa binatang noon pa tinatangi.

Lulan ng sangkaterbang tawa,
Hagalpak sa tuwa at saya;
Ngunit sa isang kisapmata,
Ligaya'y tila ngang isang bula.

Pait na dulot ng nakaraan,
Sa sumbat at yamot na nararamdaman;
Pusong tila walang kapaguran,
Galit na hindi makalimutan.

Sa sulok ng silid ako'y nagkukubli,
Hinahabi ang mga salitang nais manatili;
Ngunit pakiramdam ngayon'y napipipi,
Higpit ng tinta sa dila ko'y nakatali.

Nawa'y inyong maalala,
Ang isang makatang minsang tiningala;
Binigyang parangal at pagkilala,
Na kinapulutan ng tuwa at saya.

Minsang nagpaluha sa "Tula Kay Ina",
Naging huwaran sa "Pangarap Mong Tangan";
Nagmistulang kasama "Sa Iyong Pag-iisa",
At naging palaisipan sa "Kwento ni Brenda" (Love Bus)

Maaari ngang nakalimutan mo na,
Na siyang nagpasaya sa likod ng lungkot nya;
Sa bawat kumpas ng kanyang mga letra,
Patak ng luha'y hindi maipinta.

Nakalimutan mo na nga,
O siguro'y may ala-ala pa;
Ngunit isa lang ang sasambitin nya,
Makakalimutan mo rin sya...

Nagpapaalam,
Makatang Kiko