Pangarap Mong Tangan

Pangarap mong tangan-tangan isa-puso't huwag kalimutan,
Tulang ito'y maging kalakasan, Diyos nawa'y ikaw'y gabayan.

Ano nga ba ang halaga ng inaasam mong tala?
Kung natapakan mo naman ang nagturo, ang naggiya.

Sa rurok ng tagumpay parang walang papantay,
Tila walang kamalay-malay sa kinabukasang naghihintay.

Mapalad silang payak kung mangarap,
Simpleng buhay kaunting sarap;
Sama-samang kumakain sa masiglang hapag,
Magkayakap kung matulog, siksikan sa lapag.

Hindi masama na tayo'y mangarap,
Kung sasamahan yaring pagsisikap;
Kaginhawaan pagkatapos ng hirap,
Walang kasing tamis, walang kasing sarap.

Sa kahuli-hulihan'y maging inspirasyon ka,
Ipakitang may pangarap kung wala ang iba;
Magugulat ka sa iyong makikita,
Ningning ng iyong tala sa kanila'y pagpapala.