aking pananaw sa panalangin

nasubukan mo na bang umiyak sa panalangin?
na halos humagulgol ka sa iyak dahil sa matinding pakikipag-ugnayan mo sa Diyos sa pamamagitan ng panalangin?

minsan nagiging habit na lang natin, na tuwing umaga, pagkagising ay mananalangin ng pasasalamat sa bagong buhay na ipinagkaloob ng Diyos sa atin, na patuloy Niyang dinagdagan ng isa pang araw

sa pag-alis ng bahay para pumasok ay nagsasambit ng sandaling panalangin para ingatan tayo sa pagpasok sa trabaho o saan man tayo magpunta

sa oras ng pagkain, nagpapasalamat tayo sa biyayang ibinigay Niya para sa mga kakainin natin sa hapag kainan

sa mga desisyon natin sa buong araw, maging sa eskwelahan man o sa trabaho na gabayan tayo ng Diyos, upang maging kapaki-pakinabang tayo para sa iba

nagiging habit na minsan, minsan nga saulo mo na ang iyong panalangin...

pero uulitin ko ang tanong ko sa itaas?

nasubukan mo na bang umiyak sa panalangin?
na halos humagulgol ka sa iyak dahil sa matinding pakikipag-ugnayan mo sa Diyos sa pamamagitan ng panalangin?

kung oo ang iyong sagot, malamang ay iyakin ka talaga o kaya naman ay may matindi kang kahilingan kaya ka halos umiiyak!

kung hindi naman ang iyong sagot, siguro nagtataka ka bakit ilan lang sa mga panalangin mo ang tinutugon ng Diyos
(babalikan ko ang topic na 'yan ha, magkukwento lang muna ako…)

isang gabi nakaranas ako ng isang matinding hagulgol sa panalangin dahil sa matinding kahilingan, hindi para sa aking personal na kahilingan kundi para sa isang kaibigan, iniiyak ko sa Diyos na sana sa akin na lang ang kahit kaunting parte ng bigat na kanyang nararamdaman, gusto kong maki share sa dinadanas niya ngayong pagsubok, pero alam kong hindi naman pwede, kasi nga nasa real world ako at hindi naman ito fantasy o panaginip at lalong hindi ito isang fiction, ipinagdarasal ko siya, sakaling siya mismo ay nakakalimot na ring magdasal sa Diyos

Bakit nga ba ang ilan sa karamihan ay nakakalimot nang manalangin?
Dahil ba ang lahat ng panalangin ay hindi tinutugunan ng Diyos.
O kaya naman wala tayong time para manalangin. Dahil inuubos ng ibang mga bagay ang oras natin para kahit sandali ay manalangin tayo.

Oops hindi po ako pastor, at hindi po ako nagse-sermon, hehehe...

Gusto ko lang na sana ay maging inspirasyon mo itong post ko ngayon, na baka nakakalimot ka nang manalangin. Ito ang aking pananaw sa panalangin.

Kung hindi naman eh, ikaw na, oo ikaw na ang prayer worker ng taon!

Gusto ko lang malaman mo na ang panalangin ay isang paraan para makausap natin ang Diyos.

Para bang nakikipag-usap ka sa tatay mo na nasa abroad, ung lumang style, oo luma as in old.

Ganito ang lumang style ng pakikipag-usap sa isang ama na OFW noon, noong hindi pa uso ang internet, yahoo messenger, skype, cellphone, meron nang Overseas Call pero mahal at malayo ang phone booth.

Ang anak ay magrerecord ng mga sasabihin niya sa kanyang amang OFW sa pamamagitan ng cassette tape, oo cassette tape pa noon, betamax pa lang at wala pang vhs at cd. Para siyang tangang nakikipag-usap sa harap ng tape recorder, take note with feelings pa ha, kung masaya ba siya o kaya naman ay nagsusumbong. Ipapadala niya ito sa amang nasa abroad at pakikinggan naman ng ama.
You get my point?

Syempre kung ang anak ay may mga kahilingan sa kanyang ama, hindi nya pa noon malalaman ang sagot ng ama, kasi nga tape recorded. Pero ano ang hiwaga noong lumang style? Ito rin ang hiwaga ng panalangin natin sa ating Ama na nasa langit. Kung noon ay matiyagang nag rerecord ang anak sa ama para makarating ang kahilingan, katumbas din ito ng kaniyang pagtitiyagang maghintay sa kasagutan ng ama, ang pagkakaroon ng pag-asa sa kanyang mga kahilingan.

Eh ngayon modern na! May nag text, "pApa biLi me nG PSP ha, ung sLiM?" at sinundan pa "pApa y ndi ka reply? ala nba u load? wawa aman u!"

Kaibigan, kapamilya, kapuso, kabarkada, kakosa, kablogs, sa panahong nabisita mo itong blogpost ko kahit hindi tayo magkakilala ay isasama kita sa aking panalangin, yup! pero sana huwag mo ring kalimutang magpasalamat sa Diyos ha?

saging ni kiko
kiko