Tula
Mula sa sinapupunan'y iyong inaruga,
Iningatan ako hanggang sa um-uha;
Sa paglaki ko naging mahigpit ka,
Inilayo ako sa maling barkada.
Pagkakamali ko'y iyong pinupuna,
Pangaral at palo ang sa akin'y tatama;
Mabubura pa ba ang mga ala-ala,
Ng pagmamalupit mo noong ako'y bata pa?
bawat patak ng luha ay gumuhit na,
na nagpatigas sa puso, mula pagkabata;
mga salita mong umukit sa aking puso,
tingin sa sarili ko'y walang kwentang tao.
sabi nang iba'y ako'y iyong inabuso,
nawalan ng respeto sa aking pagkatao;
mabuti kang ina, paghanga ng iba,
dahil mabuti ka, sa pagkaka alam nila.
sino nga ba ako, upang sa iyo ay manghusga,
suwail na anak, sa aki'y turing nila;
ngayong araw ng mga ina, muli't muli'y babatiin ka,
ipangangalandakang, mabuti kang ina.
poot sa puso ko'y kalilimutan na,
pati ang luha ko ay kusang ititila;
iisipin ko lang na mabuti kang ina,
kahit na pag-ibig mo, sa akin ay wala.
nais kong malaman mo,
na dito sa puso ko;
ikaw pa rin ang inay ko,
magunaw man ang mundo.
sana naman mahalin mo ako,
hindi dahil sa mabuti kang tao;
kundi dahil sa ako ay anak mo.
Ang tula pong nabasa ninyo sa itaas,
ay hango sa aking emahenasyon tungkol sa isang anak;
na naghahanap ng pagmamahal sa kanyang ina,
Salamat po sa inyong pagsubaybay…