Kailangan Ka Niya

Kailangan Ka Niya - Maikling Kwento

Paunawa: Ang inyong mababasang maikling kwento ay may temang hindi angkop sa pagbabasa ng kabataan, patnubay ng magulang ang kailangan, sandyang ginawa ito ni kiko upang maging halimbawa ng mga pangyayaring minsan sa tingin ng iba ay tama at sa iba naman ay mali, gayunpaman tanging ang Diyos ang siyang manghuhusga sa sangkatauhan.


Saan tayo pagkatapos natin dito? tanong ni Wilma.

Uuwi na tayo, hinahanap ka na ng anak mo, tugon ko.

Aba, akala ko may pupuntahan pa tayo? panggigiit ni Wilma.

Umuwi na tayo, at sana ito na ang huli nating pagkikita, marahan kong tugon.

Ha!? Anong sabi mo? malakas na tanong ni Wilma. Pagkatapos mong pagsawaan ang katawan ko ng mahigit dalawang oras, ngayon sasabihin mong hindi na tayo magkikita? Anong pumasok sa kukote mo?

Naisip ko lang kasi…
…ang anak mo,
marahan pa rin ang wika ko.

Punyetang anak 'yan, anong kinalaman ng anak ko dito!? ani Wilma.

Inaanak ko siya Wilma, ninong n'ya ako, mali itong ginagawa natin, (yumuko ako at nanahimik)

Bakit ka nagkakaganyan Christopher?, anong pumasok sa isip mo? 'di ba mahal natin ang isa't isa? pag-uusisa ni Wilma

Iniangat ko ang aking ulo at mataas ang boses na nagwika

Oo mahal kita, mahal na mahal, mahal ko rin ang inaanak ko, kaya dahil dyan puputulin ko na ang relasyon natin, hindi na tama ito…

Ha!? naloloko ka na ba Christopher?, iiwanan mo ako? Paano ako? Babalikan ko si Reden? si Reden na walang pakialam sa asawa n'ya, ganun ba?

Wilma si Reden ay asawa mo, sa mata ng tao, sa mata ng Diyos, at hanggang ngayon ay nagsasama kayo sa iisang bubong, kumakain ng sabay, natutulog ng magkatabi, wika ko.

Anong ibig mong sabihin Christopher? tanong ni Wilma

Hindi na tama itong ginagawa natin Wilma, oo mahal kita, ngunit nagmahal tayo sa maling panahon, may asawa ka na, nagkamali ako, nakokonsyensa na ako Wilma, sa tuwing nagtatalik tayo, ang asawa mo ang nasaisip ko, ang inaanak ko, paano kung sa akin nangyari itong ganito, paano kung asawa ko ang nagtataksil sa akin? Hindi ko yata matatanggap 'yon.

Nanahimik si Wilma at unti-unting humagulgol ng iyak, kailangan kita Christopher, kailangan kita dito sa buhay ko, paano na ako?

Wilma, mas kailangan ka ni Reden, mas kailangan ka ng inaanak ko. Kailangan nila ng asawa at ina. Tapos na tayo sa mga pag-iibigan natin noong mga dalaga't binata pa tayo, tapusin na natin 'to, gusto ko na rin maging malaya, gusto ko na rin makahanap ng mapapangasawa ko. Kung mahal mo ako, igagalang mo ang desisyon ko, oo masakit para sa akin na magkahiwalay tayo pero ayaw kong may nasasaktan habang tayo ay maligaya, mas nanaisin ko pang ako ang masaktan kaysa ako ang nananakit.

Lumapit si Wilma sa akin, hinawakan niya ang aking ulo at hinaplos ang aking buhok, at marahang hinipo ang aking pisngi, unti-unti niya akong tinitigan at lumipat ang tingin niya sa aking mga labi, tila nag-aanyayang ako ay muling halikan, halik na nakapananabik, halik na magsisilbing wakas ng aming relasyon, unti-unti kong inilapit ang aking labi sa kanyang mga labi habang pumipikit, hanggang sa wala na akong makitang liwanag, kundi ang sarap ng kanyang halik, halik na magsisilbing ala-ala, isang masayang ala-ala ng aming kalayaan, kalayaan sa aming mga pagkakasalang nagawa.

At mula noon ay hindi na kami nagkitang muli hanggang sa ako ay nagpunta sa abroad upang magpakalayo layo, dito ko nakilala ang tunay na ligaya ng aking puso, dito ko natagpuan ang nagpapasaya sa akin sa tuwing umaawit ako sa Kanya.

Maaaring magbago ang pagtingin ninyo sa akin mga brothers and sisters ngunit, ito ako, buhay na patotoo para magpatunay na malaki ang nagagawa ng pagbabalik-loob sa Diyos, Pastor…


Salamat Kapatid na Christopher, tunay nga mga brothers and sisters, ang buhay ay hindi natatapos sa puro kasawian, hindi natatapos sa pagkakalayo, bagkus, isa lamang itong yugto ng ating buhay upang lalo nating makita ang tunay na hiwaga ng buhay, ang buhay na ibinigay sa atin ng ating Diyos. At muli sa pagbabalik-loob natin sa Kanya, tayo bilang taong makasalanan ay binihisan ng bagong anyo, binigyan ng pagkakataong mabuhay muli ayon sa Kanyang katuwiran, at sa pamamagitan ng Banal na Espiritu Santo ay hindi na tayo mahihiyang sabihin ang ating nakaraan sapagkat ito ay lumipas na, ito ay hinubad na natin at naisuot na natin ang bago nating pagkatao. Nawa'y ang pagpapalang nagmumula sa Diyos ay maibahagi natin, ang Kaalaman at Katuwiran ay magsilbing liwanag para sa mga katulad ni Christopher
Pagpalain po tayo ng Panginoon.


Kapatid Kailangan Ka Niya, hindi dahil makasalanan ka, hindi dahil mabuti ka, kundi upang maging isang buhay na katotohanang binago ka ng iyong pagbabalik-loob sa Kanya sa pamamagitan ng iyong pananampalataya.

Mahal ka ng Diyos ng higit sa lahat… Kathang Isip lamang ngunit makatotohanan dahil… Mahal kita at ito ay para sa iyo.