Pagkatapos ng Ulan

Kaytagal kitang inantay ligaya ng aking buhay,
Ulan na makapagbibigay sigla sa pusong nalulumbay.

Sana ikaw'y manatili kapiling sa bawat sandali.

Sa tuwing nariyan ka buhay ko'y anong sigla,
Sa tuwing kapiling ka buhay ko'y puno ng saya.

Sana ikaw'y manatili kapiling sa bawat sandali.

Ulan 'wag sanang lumisan ako'y 'wag mong iwanan,
Ligaya na nararanasan 'wag sanang panandalian.

Sana ikaw'y manatili kapiling sa bawat sandali.

At sa iyong 'pag tila puso ko'y nalungkot bigla,
Mahirap palang umasa sa tulad mong kusang nawawala.

Sana ikaw'y manatili kapiling sa bawat sandali.

Ano itong dumating paglisan mo sa aking piling?
Isang makulay na sining tugon sa aking paglalambing,

Hiwaga ng kalangitan unawa sa ating isipan,
Kapag ulan ay lumisan bahaghari ang masusumpungan.

© Bahaghari ni Kiko