Alab - Tula ng Pag-ibig

Tula

Pusong minsang naging sugatan,
Sakit at dusang minsang naramdaman;
Pilit ginugustong kalimutan,
Upang bagong pag-ibig ay mapagbigyan.

Sa bawat titig na may kasamang nasa,
Pilantik nitong dala ng kanyang mga mata;
Sa saliw ng indak ng kanyang romansa,
Nais kumawala, nais nang lumaya.

Tibok ng puso'y muling naramdaman,
Nang siya'y makita sa may kalayuan;
At nang mga mata'y nagkatitigan,
Pantasyang hatid ang kanyang nasumpungan.

Pag-ibig at pagsuyo'y naglalaro sa isipan,
Nais ipahayag, nais isakatuparan;
Ngunit ano ang tamang paraan?
Tanong sa bituin sa madilim na kalawakan.

Gusto kita ang nasambit na bigla,
Nang minsang isang araw na sila'y magkita;
Pagkatapos ay wala nang lumabas na salita,
At tanging nag-usap na lamang ang kanilang mga mata.

Tibok ng puso ba'y muling pagbibigyan?
Tanong nitong dalaga sa kanyang kaibigan;
Totoo kaya ang nararamdaman?
O paghanga at pagkahibang lamang.

Alab ng pag-ibig na kanyang nararanasan,
Nakapapaso, nakahihibang;
Sa isang binatang saksakan ng yabang,
Nasasabihan siyang lumalabas ang kalandian.

Kasalanan bang umibig ng sobra?
Tanong muli nitong ating dalaga;
Wala na ba akong karapatang lumigaya?
Pati pag-ibig ko'y madaming humuhusga.

Tunay sa sarili ko ang nararamdaman,
Totoong sa kanya ako ay nahihibang;
Pantasyang nauwi sa katotohanan,
Tunay na pag-ibig nawa'y pagbigyan.

Alab ng pag-ibig hindi mapigilan,
Hinahanap hanap ang kinababaliwan;
Sa bugso ng damdaming minsang luhaan,
Ngayon sana ay muling pagbigyan.