Anak, Nasaan Ka Na?

Anak, saan ang landas na iyong patutunguhan?
Ano ang iyong plano sa kinabukasan?

Mayroon ka bang nais subukan?
Na sa mura mong edad ay gustong matikman?

Nais kong malaman mo na hindi madali, bilang OFW,
Na mawalay sa piling mo;

Gustuhin ko mang palaging nandyan sa tabi mo,
Upang damayan ka sa problema mo.

Ngunit mas mabigat ang responsibilidad ko,
Na bigyang kinabukasan kayong pamilya ko;

Kung alam mo lang ang mga nilalaman,
Nitong aking puso at isipan.

Mga hinaing at hirap ng kalooban,
Baka hindi mo ito makayanan;

Ngunit patuloy akong nagdarasal,
Patuloy na humihiling sa Maykapal.

Na kahit sa isang saglit lang,
Maalala mong sa iyo'y may nagmamahal;

Na handang ibaba ang aking dangal,
Makapagtapos ka lang sa iyong pag-aaral.

Sa iyong murang isipan,
Maaaring ako'y iyong hinuhusgahan;

At dala na rin marahil,
Ng barkada mong sinasamahan.

Muling tignan ang iyong dinaraanan,
Landas ba 'yan sa gusto mong puntahan?

Sana'y bigyang laya ang iyong isipan,
Barkada ay panandalian lamang.

Ngunit ang kaalaman at kalinangan,
Ay habambuhay kang sasamahan;

Ang iyong mga natutunan'y,
Hindi mananakaw ng sinoman.

Nasaan ka na anak?
Ano ang iyong binabalak?
Kung ano man ang plano mong puntahan,

Kung saan man magtungo ang iyong kapalaran.

Narito kaming iyong mga magulang,
Palaging nakahandang;

Ikaw'y unawain at pakinggan,
Mahal na mahal kita anak.