Ang Buhay at ang Pag-ibig

Minsan ang buhay ay parang isang taong naglalakad sa dalampasigan, nabibilad ang balat sa init ng araw at nakakaramdam ng init mula sa talampakan, sa haba nitong kanyang nilalakad, tila walang patutunguhan, tanging ang nagsisilbing gabay ay ang karagatan, karagatang nagluwal sa kanya mula sa kawalan, hindi alam kung saang dako ang pinagmulan.


Ang taong ito'y biglang mauupo sa buhanginan, iisipin kung buhay niya'y hanggang kailan, sa panahon ng kanyang pag-iisa, paligid niya'y hindi niya mabasa, tila parang sanggol na naulila, walang alam kundi ang nakikita lamang ng kanyang mga mata.

Minsan dumarating tayo sa parte ng buhay natin na parang wala tayong magawa sa mga nangyayari, tila wala tayong kapangyarihan na pwedeng gawin, minsan may tanong tayong, alam naman natin ang kasagutan, minsan may alam tayong tamang hakbang, ngunit hindi natin ito ginagawa at mas pinili natin ang mas mahirap na paraan.

Ganito ang buhay, ang buhay na ipinamukha sa atin ng sanglibutan, makakaranas ka ng saya, at hapdi, makakaranas ka ng lungkot at ngiti.

Ngayong buwan ng Pebrero o mas tanyag na buwan ng mga puso, muli mga parekoy, kaibigan, ka kosa, kablogger, minsan pang masdan natin sandali ang buhay, ang buhay na ibinigay sa atin, ang buhay na ninanais ng iba, ang buhay na gusto nang wakasan ng ilan, ang buhay mo, ang buhay ko, sapagkat sa pamamagitan ng mga sandaling pananahimik, dito natin lubos na mabibigyang halaga ang buhay, ang buhay na galing sa hininga ng Diyos (mula sa Bibliya), buhay na nanggaling sa mga unggoy at sa isang malaking pagsabog.

Ano man ang pinanggalingan mo, ayon sa iyong paniniwala, iisa pa rin ang buhay, ang buhay na iyong ginagalawan, ang buhay na iyong pinaninindigan at buhay na iyong ipinaglalaban, maging ikaw man ay may matigas na puso, mapagbalatkayo, mahiyain o kaya naman ay madamdamin. Ngunit kung ang buhay na ito ay mabigyang pansin kahit na sa kaunting minuto lang, kahit na sa kaunting sandali lang, sa lalim ng pag-iisip ng bawat nagmumuni-muni ay malalaman niya na ang ugat ng pinagmulan ng buhay, ay ang pag-ibig.

At dahil kung pinahahalagahan mo ang buhay, pahahalagahan mo rin ang pag-ibig. Kung kaya mong ipagkait ang pag-ibig sa iyong kapwa, eh di mas lalo naman ang buhay mo na hindi mo handang ipagkaloob para sa kaibigan?

Kapatid, kahit wala kang date ngayong Valentines Day, ok lang 'yan, ang mahalaga ay buhay ka, at sa mga sandaling mabasa mo ang aking inihandang sanaysay tungkol sa pananaw ko sa buhay, sana'y nabigyan kita kahit na kaunting inspirasyon, na ang buhay ay may kaugnayan sa pag-ibig.

Hindi ka man magkumento, alam kong kahit papaano ay nahipo ko ang iyong puso at minsan pang nabigyan ng pagkakataong mag-isip.