Salamat sa Iyong Respeto

Mahirap magbalatkayong masaya,
Lalo na't hindi ka kapiling sinta;

Sa tuwing gabing nag-iisa,
Mga yakap mo't paglalambing ang nasa isip sa tuwina.

Pilitin ko mang ipikit itong aking mga mata,
Sa diwa ko'y laging nariyan ka;

Alam mo bang miss na miss na kita?
At palaging laman ng panaginip sa tuwina.

Pahiran ko man itong luha sa umaga,
At piliting ngumiti pagdilat ng mata;

May kurot sa puso kong laging nagpapaalalang,
Pinagsisisihan kong iniwanan kita.

At kung dumating ang panahong tayo'y magkitang muli,
Asahan mong hindi ako magkakamali;

Sisiguraduhin kong ikaw'y mapapangiti,
At muling hahagkan ang iyong mga labi.

Ipipikit muli ang aking mga mata,
Bubuhayin ang inipon kong ala-ala;

Saka babanggitin sa iyo sinta,
Patawad kung nasaktan kita.

Bago ka pa tumugon sa akin,
Agad ako'y mayroong babanggitin;

Salitang inipon nang taimtim
Salamat at nagbalik ka sa akin.



Ang tunay at walang hanggang pag-ibig ay nagsisimula sa wala,
Hanggang sa pinagbuklod ng respeto sa isa't isa,

Respetong nauwi sa pagkagusto,
Hanggang turuang tumibok ang puso na mapuno ng pag-ibig,

Pag-ibig na hindi panandalian kundi pangmatagalan,
Dahil matibay ang haliging pinagmulan ay respeto,

Respeto sa nararamdaman, Respeto sa buong katauhan.

Marami na ang nasawi sa pag-ibig, marami ang patuloy na nasasaktan sa pag-ibig at iilan ang tunay na nagtagumpay sa pag-ibig. Walang basehan sa kasalukuyan kundi ang ngayon ay bigyang halaga ang nararamdaman, at kung may pagkakataong lumigaya, panatilihin lamang ang respeto sa isa't isa, 'pagkat ito ang simula ng bukas na abot langit ang ligaya.

Salamat sa muling pagbisita sa akin, Nawa'y patuloy tayong umibig nang mayroong respeto sa ating minamahal maging siya man ay nasa malayong lugar.

RESPETO, isang subok at matibay na pundasyon ng bawat matagumpay na relasyon.